IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO B
MAGHINTAY NANG MAY
PANANABIK
Kayganda marinig mula sa
kapatid ko na isang linggo bago ang pagtatagpo ko at ng aking mga
pamangkin, hindi daw makatulong ang dalawang bata. Laging itinatanong
kung malapit na ang Sabado. Laging sinasabi: Sana Sabado na!
Nakakataba ng puso na may dalawang tao pala sa mundong ito na sabik
sa akin!
Ang linggong ito ang huli
sa ating paghahanda para sa araw at panahon ng Pasko. Minsan kapag
ang hinihintay mo ay malapit na, nandiyan na halos, abot-tanaw na, di
ba lalong mahirap maghintay? Mas mahirap mag-concentrate. Tila ba
umaapaw ang ating pananabik at di mapigil ang ating tuwa.
Pagnilayan natin ngayon
ang ika-apat na paraan ng paghihintay: PAGHIHINTAY NA MAY PANANABIK.
Ang maghintay nang may
pananabik ay maghintay nang may katiyakan at lakas nang loob. Alam
nating ang inaasahan ay malapit nang dumating. Tiyak na ni Elisabet
na magiging ina na siya sa wakas. Abala naman siguro si Maria sa
paghahanda ng kanyang tahanan, puso at buhay para sa regalong
ipinahayag ng anghel. Si Jose naman ay iniayon na ang kanyang buhay
para sa bagong kaganapang ito. Iyong mga nakakaalam sa pagdating ng
Tagapagligtas ay punong-puno ng katiyakan na may gagawing dakila ang
Diyos.
Ang maghintay na may
pananabik ay maghintay nang may pananampalataya sa puso. Iba ang
paghihintay na may kabiguan, pagka-bugnot at galit. Maraming tao ang
tulad nito dahil itinapon na nila ang pag-asa sa kapangyarihan ng
Diyos na baguhin sila, hipuin sila at iligtas sila sa pagka-aba. Pero
tingnan ninyo ang mga tao sa ebanghelyo. Matinding pagsubok din ang
dumapo sa kanila. Si Maria ay buntis na walang ama para sa anak niya.
Si Jose naman ay kabadong pinagtaksilang siya ng katipan. Pero
sumagot si Maria ng opo, kahit mahirap maunawaan. Alam lang niyang
lahat ito ay galing sa Diyos. Tumigil sa pagdududa si Jose at
tinanggap ang atas ng Diyos sa kanyang mga balikat. Hindi ito madali.
Pero ito ang kahulugan ng pananampalataya.
Ito rin ang kahulugan ng
pananampalataya para sa atin. Kapag napansin ninyong naghihintay kayo
sa takot – para sa sasabihin ng doktor, sa pinag-uusapan ng mga
kapitbahay, sa resulta ng exam o interview – magdasal ng Aba
Ginoong Maria at humingi ng tapang kay Maria. Kapag napansin ninyong
naghihintay kayo na may lungkot – dahil tila imposible na, tila ang
tagal tagal nang dinadasal, tila wala nang pag-asa – magdasal ng
Aba Ginoong Maria at humugot nang tatag ng loob sa mensahe ng anghel
kay Maria. Sabi ni Gabriel: Walang imposible, walang hindi mangyayari
sa Diyos.
Maghintay nang may
katityakan at lakas-loob. Maghintay nang may pananampalataya sa puso.