DAKILANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS, BAGONG TAON B
-->
SSSHHHHH!
Bagong Taon na! para sa marami,
kapistahan ito ng liwanag, ng tunog, ng ingay! Tingnan na lamang kung gaano
karami ang mga lusis na nagsasabog ng liwanag sa madilim na gabi, kung gaano
katindi ang mga trumpeta, kanyon, at mga batingaw na nagbabadya ng balita, at
kung gaano kalakas ang mga paputok na tila mga tawang nagtataboy ng masasamang
espiritu at kamalasan. Ang Bagong Taon ay panahon ng liwanag, ng kilos, ng
ingay!
Sa Mabuting Balita ngayon, ang
daan sa pakikipagtagpo kay Hesus ay sa pamamagitan ni Maria, ang Ina ng Nagkatawang-taong
Anak ng Diyos. Sa halip na ingay, si Maria ay higit sa lahat, sagisag ng
katahimikan at kapanatagan. Sa ating isip, nang dalawin si Maria ng arkangel
Gabriel, siya ay nagdarasal, nagbabasa o payapang gumagawa sa bahay. Sa pagbasa
natin, habang inaaruga ni Maria ang kaniyang sanggol, tahimik siyang
nagbubulay-bulay. Walang ibang paraan para matanggap ni Maria ang pagdalaw ng
anghel at lalo na ang masalubong ang pagdating ng Anak ng Diyos sa kanyang
buhay kundi sa pamamagitan ng katahimikan.
Kailangan natin ng katahimikan
upang tanggapin ang mensahe ng Panginoon. Kailangan ang katahimikan upang
kilatisin ang presensya niya sa ating situwasyon ngayon. Ganito ang nangyari sa
Mahal na Birhen. Ganito rin ang karanasan ni Moises sa ilang bago nagsalita ang
Diyos sa nagliliyab na halaman.
Bawat Bagong Taon ay paalala,
hindi sa aktibong pakikinig, kundi sa pakikinig na may pagpapaubaya sa
sasabihin ng Panginoon sa atin. Kalimitan kasi pag nakikinig tayo, aktibo tayo
– matamang hinahanap ang mensahe, sinusuri ang sinasabi sa atin, at namumuo na
ang mga tanong sa ating isipan. Sarado man ang bibig, our isip naman ay
kumikilos, nagsusuri at nangangatwiran.
Ang Mahal na Birhen ay nakinig na
may pagpapaubaya. Nabigla siya pero hindi nakipagtalo. Naguluhan pero hindi
sumalungat. Nakinig lamang siya na may malayang pagtanggap sa mensahe at
presensya ng Diyos na may pagsuko at pagtitiwala.
Taun-taon ang mga simpleng buhay
natin ay dinadalaw ng ingay na hindi inaasahan – karamdaman, kamatayan,
pagdurusa, at mga surpresa. Sa mga sandaling iyon kakailanganin natin ang
mapanatili ang balanse sa buhay at kapanatagan ng puso at isip hindi lamang
upang malampasan ang mga pagsubok kundi upang lumago at yumabong. Dito natin
kailangan ang tulong ng Mahal na Birhen upang gabayan tayo tungo sa banal na
katahimikan na makapagdadala sa atin ng presensya ni Hesus.
Ngayong Bagong Taon, tunay na
nagagalak tayo sa bagong panimula, sariwang pagkakataon na bumubukas para sa
atin. Matutunan nawa nating tanggapin ang mga biyaya at mga pagsubok na
darating sa diwa ng katahimikan, panalangin at pagsuko, tulad ni Mariang Ina ng
Diyos at Ina nating lahat.
Ang Panginoong Diyos ay
sumasainyo!