IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO B
4 NA PARAAN NG
PAGHIHINTAY 2:
MAGHINTAY NANG
MATIYAGA
Sa sobrang dami ng problema,
naisipan ng isang babae na mabilis na wakasan ang kanyang sariling buhay. Dahil
hindi kayang tapusin ng gobyerno ang kampanya laban sa droga sa ipinangakong
3-6 na buwan, kaya naman pinapatay na lang ang mga suspect. Hindi pa handang
maging ama, pinayuhan ng isang lalaki ang katipan niya na magpalaglag ng
sanggol. Dala ng katamarang mag-aral, mas minabuti ng mga estudyante na mandaya
na lamang sa exam. Kaydami pang halimbawang maiisip natin…
Sa ating buhay, maging simpleng
gawain o matinding hamon, natural lamang na naisin natin ang mabilis at
madaling solusyon. Kulang na kulang tayo ngayon sa pagtitiyaga. Kaya kung
kailangang maghintay nagiging napakahirap nitong dalhin. Oo, pwede namang
maghintay, pero sandali lang. Kayang maghintay, basta siguraduhin lamang na
konti lang ang abala at bahagya lang ang sakit!
Ngayong Adbiyento, pagnilayan
natin ang ikalawang paraan ng paghihintay: MATIYAGANG PAGHIHINTAY.
Sa ikalawang pagbasa, 2 Pedro 3,
sinasabi sa ating may ibang orasan ang Diyos. Ang isang araw sa kanya ay tila
isanlibong taon, ang ang isanlibong taon tila isang araw. Hindi nagmamadali ang
Diyos na makakuha ng resulta. Hinahayaan niyang lumipas ang panahon para
unti-unting maganap ang kanyang mga balak.
Inihanda ng Diyos ang sangnilikha
bago isugo ang kanyang Kaisa-isang Anak. Pinahintulutan niya ang kanyang Anak
na dumanas ng kamatayan bago ang Pagkabuhay. Hindi sapilitan ang pagsisisi ng
isang makasalanan. Walang hangganang nakatakda para sa pagbabalik-loob ninuman.
Binibigyan ng Panginoong ng panahon ang bawat isa sa atin na lumago at siya
mismong maghangad na makipag-ugnayan sa kanya. Ang Diyos ay matiyagang Diyos.
Ngayong Adbiyento, hilingin
nating ituwid ng Panginoon ang ating kawalan ng pagtitiyaga at pagtitimpi.
Banayad nating hintayin ang mga tao na magbago at ang mga pangyayari na
maganap. Maghintay pa nang kaunti para sa pisikal at espiritwal na
kagalingan. Maghintay para sa
pagkakasundo sa mga kaaway at katampuhan. Maghintay sa tamang panahon ng Diyos
sa pagtugon sa ating panalangin, kahilingan at himalang inaasahan sa ating
buhay.
Habang natututo tayong maging
matiyaga sa mga sitwasyon, bagay at tao sa paligid, maging matiyaga at
mapagpasensya din tayo sa ating sarili. Ayon kay San Francisco de Sales: Huwag
magmadali; gawin ang lahat nang tahimik at panatag na diwa. Huwag mawalan ng
panloob na kapayapaan sa anumang bagay, kahit tila ang buong mundo mo ay
bumaligtad pa.
Naghintay si Juan Bautista sa
ilang para sa pagdating ng Mesiyas. Matuto nawa tayo mula sa kanya nang
matiyagang paghihintay para sa katuparan ng mga pangako ng Diyos.