ISANG PANANAMPALATAYANG HINDI MATITIBAG: SAN ANDRÈ BESSETTE
BROTHER ANDRÉ:
KAIBIGAN, KAPATID, BANAL
HIGIT PA SA PANGARAP… ISANG
MALALIM NA KATOTOHANAN
Si Brother André (bininyagan
bilang Alfred Bessette) ay unang nakakita ng liwanag sa mundong ito noong
Agosto 9, 1845, sa pamayanan ng Saint-Gregoire, Quebec, Canada. Ang kanyang
kabataan ay tadtad ng sunud-sunod na mga pagsubok: 9 na taong gulang siya nang
pumanaw ang kanyang ama, sumunod naman ang kanyang ina matapos ang tatlong taon
bunga ng tuberculosis. Ipinamigay sa mga kamag-anak at kaibigan ang 10
magkakapatid na naiwan nila.
Sa gulang na 12, sumabak sa buhay
matanda si Alfred, napilitang mag-trabaho at matuto ng kabuhayan. Nagsimula ang
mga taon ng kanyang paglalayag – walang ari-arian, walang pinag-aralan, at ni
hindi alam kung paano sumulat ng pangalan o magbasa ng aklat-dasalan.
Palipat-lipat sa iba’t-ibang
lugar, ang masakitin na si Alfred ay laging matatag sa pananampalataya sa Diyos,
naghahanap ng kapayapaan ng puso at nagpapayabong ng matibay na
espirituwalidad. Ang kaugnayan niya sa Diyos ay lumakas at nagka-ugat.
“Ang mga tao ay nag-alala na walang saysay. Sa oras ng pangangailangan,
ang kaligtasan ay magmumula sa Diyos.”
Dahil walang masyadong alam at
madalas maloko sa trabaho, pumasok si Alfred sa konstraksyon, sa bukid, sa
pagawaan ng lata at bakal, sa panaderya, sa gawaing sapatero, at kutsero bago
tumungo sa USA, tulad ng libu-libong mga Canadian noong panahon na iyon, upang
magtrabaho sa gawaan ng tela. Bumalik siya sa sariling bansa noong 1867.
MULA MANGGAGAWA HANGGANG
NOBISYADO
Kumatok siya sa pintuan ng Congregation
of Holy Cross sa Montreal noong 1870. Subalit dahil sa kahinaan ng katawan,
nagduda ang mga nakatataas kung tatagal siya sa kongregasyon. Nang sa wakas ay
tanggapin siya bilang miyembro, pinili niya ang pangalang Brother André at
itinalaga sa pinakamababang posisyon bilang tagabantay sa pintuan ng kanilang
paaralan, ang Collége Notre Dame. Hindi kailanman nawala ang kanyang pagiging
masayahin.
“Doon ako sa pintuan itinalaga ng aking mga superyor, at doon ako
nanatili nang 40 taon.”
TUNGKOL LAHAT SA PAGBATI
Hindi naglaon, at tinanggap ni Brother
André sa pintuan ang mga maysakit at mahihirap, na lagi niyang hinimok na
magdasal kay San Jose, na matalik niyang kaibigan. Pinag-usapan ang mga
kahilingang isa-isang naipagkaloob. Sa loob ng 25 taon, tinanggap ni Brother
André ang kanyang mga panauhin araw-araw sa kanyang munting tanggapan o sa
maliit na estasyon ng tram (bus) sa kabilang ibayo ng kolehiyo.
Kinausap niya, pinakinggan at
minsan binigyan ng payo ang mga tao. Ipinanatag niya ang kalooban nila sa
pamamagitan ng panalangin kay San Jose. Ang
mga maysakit ay binigyan ng Langis ni San Jose. Dumami ang mga kuwento ng mga
gumaling na hindi maipaliwanag ng siyensya. Bukod sa pagtanggap sa mga tao sa
kolehiyo sa itaas ng bundok, nagbahay-bahay din si Brother André sa mga
maysakit sa lungsod at maging sa USA. Subalit hindi kailanman lumaki ang kanyang
ulo. Taglay ang pagtitimpi at pagpupunyagi, ginabayan niya ang mga tao kay San
Jose, na tunay na sisidlan ng Diyos. Nagdasal siya, at dumami ang gumaling.
“Ang Diyos at si San Jose ang siyang nagpapagaling sa inyo, hindi ako. Ipagdarasal
ko kayo kay San Jose.”
Ang natatago niyang
espirituwalidad ay unti-unting naging espirituwalidad na puno ng pagiging bukas
at maawain sa kapwa. Tinanggap at pinagpugayan niya ang mga maysakit, mahihirap
at may suliranin sa pag-asang ilalapit sila sa Diyos. Para sa kanila at sa
kanilang mga kaibigan, ibinahagi ni Brother André ang kanyang kagalakan at
pag-asa. Likas na madamdamin, madalas makitang umiiyak siya dala ng karamdaman
at suliranin ng mga panauhin niya.
Matatag ang pagkatao ni Brother
André, at hindi nababali ang kanyang mga prinsipyo o paninindigan. Sa kabila nito,
mababakas sa kanyang mga mata ang isang banayad na kabaitan at pagiging likas
na masayahin. Ang kanyang pagiging malapit at katulad ng kanyang mga
pinaglilingkuran ang dahilan at napamahal at niyakap siya ng kanyang mga
kaalinsabay at ng kanyang pamayanang relihyoso o kongregasyon.
NAPAKALAKING SIMULAIN
Sa mga panahong iyon, isang
malaking proyekto ang nagsisimula na. Patuloy na lumalaki ang dami ng mga
dumaragsang mga tao sa Oratorio (kapilya ni San Jose) ni Brother André. Ang unang
kapilya o bisita na itinayo noong 1904 ay naging maliit na sa harap ng
napakaraming panauhin buwan buwan. Pinalaki ang gusali noong 1908, at muli
noong 1910, pero hindi naging sapat. Kinakailangan na ang isang malaking
simbahan sa karangalan ni San Jose, na
siyang takbuhan ni Brother André sa kanyang walang tigil na panalangin para sa
kanyang misyon.
1917 nang isang malaking kripta
(kapilya sa ilalim ng lupa) ang pinasinayaan. Magiging pundasyon lamang ito ng
isang mas malaki pang proyekto. Ginugol ni Brother André ang kanyang buong
buhay, kasama ang kanyang mga kaibigan, upang itaguyod ang pagtatayo ng
Oratorio ni San Jose, na magiging pinakamalaking santuwaryo o dambanang
nakatalaga sa pagpaparangal kay San Jose sa buong mundo. Sa kabila ng lahat, nanatiling
mababang-loob si Brother André, kalimitang nagtatago pa nga sa koro ng simbahan
upang makapagdasal mag-isa.
Noong 1931, sa simula ng
tinatawag na Great Depression (kahirapang pinansyal ng bansa), nahinto ang paggawa
ng Oratorio. 1936 nang magpulong ang mga kinauukulan hinggil sa kinabukasan
nito. Mahalaga ang panahon – tila masisira ng makapal na niyebe o snow ang bulwagang
wala man lamang bubong. Tumayo si Brother André sa gitna ng pagpupulong at
sinabi: “Hindi koi to gawain; gawain ito ni
San Jose. Maglagay kayo ng rebulto ng santo sa gitna ng gusali. Kung nais
niyang magka-bubong sa ibabaw ng kanyang
ulo, gagawa siya ng paraan.”
Nagkatotoo ang kanyang mga
salita. Sa loob ng 2 buwan, nagkaroong muli ng pera para sa pagawain.
MULA SA PUSO
Masigasig si Brother André sa
pakikipagtagpo sa mga naghahanap na makaharap siya. Dahil sa pag-ibig sa Diyos,
inaruga niya ang mga maysakit, mahihirap at naghihirap. Sa katotohanan,
nagbigay-saya sa kanya ang kanyang paglilibot para dumalaw sa mga ito, na may
ilang mga taong tinawag siyang “matandang palaboy” na gusto lamang makisakay sa
kotse ng iba!
Sa lahat ng kanyang kabutihan,
hindi siya nalihis sa kanyang sentro; laging humihiling ang mga tao ng
pagpapagaling, pero bihira silang humingi ng kababaang-loob o pananampalataya.
“Kung tutuusin, ito ang mga mahalagang bagay. Inaakala ba ninyong
tutulungan kayo ng Diyos?”
“Magkumpisal kayo sa pari, at magkomunyon, at saka kayo bumalik sa
akin.”
Bilang pag-unawa sa kahulugan at
halaga ng paghihirap, sinabi ni Brother André:
“Ang mga naghihirap ay may maiaalaya sa Diyos, at araw-araw na
malampasan nila ito, isa na itong himala!”
Sinabi niya minsan sa isang
panauhin na huwag asaming maubusan ng pasanin, kundi hilinging magkaroon ng
biyaya upang ito ay harapin.
ANG ALAGAD NG DIYOS
Sa kabila ng katanyagan at mga
himalang pagpapagaling, itinanggi ni Brother André na may likas siyang
kakayahan bilang isang tagahilom. Lagi niyang bilin sa mga tao ang nobena kay
San Jose, o ang langis nito, o ang medalya nito. Ang mga gawaing ito ay tanda
ng pananampalataya, pagtitiwala at pagpapakumbaba.
Sa kabuuan, ginanyak niya ang mga
tao na kumonsulta din sa doktor upang magpagamot. Sa mga doktor, pinasalamatan
niya ang mga ito at hinimok na laging magpasalamat at magpuri sa Diyos. Ang Diyos
ay pag-ibig at iniibig niya tayong lahat: Ito ang pinakapuso ng
pananampalatayang Kristiyano-Katoliko. Mabisang nangaral ng pag-ibig ng Diyos
si Brother André kaya naipunla niya ang pag-asa sa puso ng mga nakasalamuha
niya. Binigyan niya sila ng lugod.
ANG LANDAS PATUNGONG LANGIT
Ang langit ay ang pamumuhay sa
presensya ng Banal nating Ama.
“Alam ninyo, tama lamang na humiling ng kamatayan basta ang dahilan ay
makapiling ang Diyos. Kapag namatay ako at napunta sa langit, magiging mas
malapit ako sa Diyos kaysa ngayon. Magkakaroon ako ng higit na kapangyarihang
tulungan kayo.”
Ilang sandali bago ang kamatayan
niya, ibinahagi niya ang nararamdaming sakit:
“O, naghihirap ako! Diyos ko, Diyos ko!”
Pagkatapos, mahina at pabulong
niyang sinabi: “Narito ang butil…” –
pagtukoy sa binabanggit na butil sa Mabuting Balita – Jn 12: 24
Buong buhay ni Brother André ay
ginamit niya upang dalhin sa Diyos ang pangangailangan ng mga tao at dalhin sa
mga tao ang kabutihan ng Diyos. Ang kanyang buhay ay puno ng pananampalataya at
pag-ibig. Mahirap tukuyin kung saan ba sa kanyang buhay nagsisimula ang gawain at
nagtatapos ang panalangin dahil ang dalawang ito ay laging magkasama para kay
Brother.
Namatay si Brother André noong
Enero 6, 1937 sa gulang na 91 taon. Ayon sa mga diyaryo o pahayagan, higit sa
isang milyong tao ang nagluksa at dumalaw sa kanyang burol at dumalo sa kanyang
libing. Ang kanyang katawan ngayon ay nasa loob ng isang simpleng puntod sa
loob ng napakagandang dambana na nakatayo sa Mount Royal sa Canada.
Si Brother André ay isang taong
nakatuntong sa lupa, nagniningning na bituin at inspirasyon sa marami. Nananatili
siyang buhay na tanda ng pagpapanibagong Kristiyano, na kung saan tayo ay tinatawag.
Kung anuman ang nakaya ni Brother André
sa kanyang buhay, sa tulong at awa ng Diyos, maging gayundin nawa sa atin, sa
biyaya ng Diyos.
https://www.saint-joseph.org/en/