IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
HAYAHAY NA BUHAY?
Ano ang reaksyon mo sa mga salitang ito? –
…nakahiga sa ginto
…nasa tuktok ng mundo
…nasa alapaap
…wagi!
Hindi ba ito ang pangarap mong buhay? ang inaasam mong
kinabukasan? ang lagi mong pakay? – “Siyempre, gusto ko yan!”
Lahat tayo nais ang maayos, mabuti, madali, matuwid, masaya,
at maunlad na buhay. Ito ang inaasam natin, ang ipinagdarasal natin, ang pinagsisikapan
natin, ang pinagtatrabahuhan natin.
Ito ang buhay na inaasahan ng mga tao kaya nga sumunod sila
kay Hesus upang makasiguro na maibibigay niya ito sa kanila.
Ano na ang reaksyon nila nang ibukas ni Hesus ang kanyang
bibig at sinabi: “Sinumang hindi magpapasan ng sariling krus at susunod sa akin
ay hindi magiging alagad ko.” Ito ang sikat na pangako ni Hesus – ang krus.
Hindi pera, kundi ang krus
Hindi ginhawa, kundi ang krus
Hindi hayahay kundi ang krus
Hindi kapayapaan kundi ang krus
Hindi kalusugan kundi ang krus
Ano ba ang iniisip ng Panginoon. Di ba niya naisip na
winasak niya ang pag-asa at pangarap ng mga tao? Di ba niya alam na itong krus
nga ang iniiwasan natin sa lahat? Ang mga salitang ganito ang naglalayo sa
marami sa Panginoon at nagtutulak sa kanilang iba na lang ang sundan…
Hindi naman namba-badtrip ang Panginoon… nagiging
makatotohanan lang siya.
Kasi ang buhay naman ay hindi pantasya lang.
Ito ay pagsubok, paligsahan, patimpalak, misteryong dapat
lutasin…
Sa ating buhay, nakakatagpo natin ang krus sa lahat ng dako.
Nariyan ang
…krus sa relasyon sa bahay at trabahao
…krus sa paghahanap-buhay
…krus sa karamdaman, aksidente, at kasawian
…krus sa pagtataksil, panloloko at kasinungalingan ng kapwa
…krus dito, krus doon, krus na ikaw lang ang nakakaalam at
nakakaranas ngayon
Makatotohanan ang Panginoon. Kahit na nais niya lamang sa
atin ang pinakamabuti, alam niya at itinuturo niya na ang pinakamabuti ay
nagmumula lamang sa sikap, sakit, sipag, at pasensya… sa pamamagitan ng krus.
Ang mabuting buhay ang pangarap din ni Hesus para sa atin at
higit pa rito. Nais niyang marating natin ang taluktok, ang langit, na siyang
kaganapan ng lahat ng ating nais.
Pero walang short-cut sa langit. Ang mga krus ang siyang
hagdanan patungo sa ligaya ng langit.
Hirap minsan na sagutin ang tanong ng iba kung bakit
naghihirap sila ngayon o hanggang kailan pa ba ang kanilang pagdurusa. Pinipilit
ko lang sabihin sa kanila na ako din ay may mga krus na pinapasan dahil
naniniwala akong hindi naman ako nag-iisa. Kasama ko ang Diyos. Pinasan ni
Hesus ang aking krus noon at ngayon ay pinalalakas niya akong pasanin pa rin
ito bilang bahagi sa kanyang ginawa.
Pinilit kong palakasin ang loob ng kaibigan kong si Amie sa
gitna ng kanyang pakikibuno sa kanser, sa gitna ng maraming tanong at
pagmumuni-muni niya ukol sa buhay, sa mga minamahal, at sa mga pangarap niya. Isang
araw, siya mismo ang sumagot sa mga tanong niya:
hindi na sa pagre-rebelde o paghihimutok,
hindi rin sa pagbabaubaya na lang o pagtanggap lang ng situwasyon mo,
kundi sa pagsang-ayong harapin ang anumang pagsubok o hilahil ang naririto ngayon!
hindi pagre-rebelde; hindi pagtanggap lang; kundi pagsang-ayon... "Opo, Panginoon!"
hindi na sa pagre-rebelde o paghihimutok,
hindi rin sa pagbabaubaya na lang o pagtanggap lang ng situwasyon mo,
kundi sa pagsang-ayong harapin ang anumang pagsubok o hilahil ang naririto ngayon!
hindi pagre-rebelde; hindi pagtanggap lang; kundi pagsang-ayon... "Opo, Panginoon!"
Sa pagyakap natin at pagpasan sa krus natin nagaganap ang ating
tagumpay laban sa pait, takot, suliranin at pagdududa sa ating buhay.
Sa huli, sumang-ayon si Amie sa krus niya, at naging daan
ito sa kanyang pagkakamit ng luwalhati ng langit.
Harapin mo din ang krus mo; pasanin mo ito kasama ni Kristo;
at magtiwala kang hahantong ka sa iyong pangarap.