IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
KASALANAN BA ANG WALANG
GAWIN?
May isang 90 anyos na lalaking
inihabla sa korte ng mga survivor ng kalupitan ng mga Nazi.
Ang taong ito ay umaming nasa
death camps siya hindi bilang sundalo, tagapahirap, o pinunong Nazi… kundi
bilang simpleng accountant lamang doon.
Trabaho niya ay mag-kolekta,
mag-ayos, mag-lista at magtago ng mga singsing, relo, maleta, sapatos, kwintas
at iba pang gamit na kinumpiska sa mga Hudyo.
Sabi niya alam niyang kinuha ang mga
ito dahil mamamatay na at di na kailangan ito ng mga may-ari.
Depensa niya, trabaho lang daw ang
ginagawa niya; sumusunod lang.
Wala siyang sinaktan; walang
ninakawan.
Higit sa lahat, hindi siya
pumatay tulad ng mga guwardiya, tagapagpahirap, at mga medical team ng Nazi. Totoo
naman di ba?
Pero ang hatol ng hukuman ay
nakasentro sa isang malaking pagkukulang ng taong ito.
Alam niya pala na may mga
pinahihirapan… may mga pinapatay… may mga nililipol.
Pero bakit wala siyang sinabi o
ginawang anuman para tulungan ang mga ito!
Kung ako ba, walang ginagawa,
nagkakasala ba ako?
… nasa bahay lang naman at tahimik
na namumuhay
… nagtatrabaho lang at wala
namang kapangyarihan
…mabuti ang umiwas sa gulo
…asikasuhin ko muna ang pamilya
ko.
Ano ang masama doon?
Sa Mabuting Balita ngayon,
sinasabi ng Panginoong Hesus na ang walang paki ay mali!
Ang mayaman ay hindi rin nanakit
o nang-api kay Lazaro (Lk 16).
Hindi niya ito minura o itinaboy.
Pero sa huli, ang mayaman ay
napunta pa rin sa impiyerno!
Bakit?
Kasi hindi man lamang niya
kinausap ang pobre.
… o binahaginan man lang ng
pagkain at inumin
hindi niya naisip na baka gusto
nitong mahiga sa maayos na kama.
Ang mayaman ay lublob sa
karangyaan kahit alam niyang may isang naghihirap
…hindi sa ibang bansa
…kundi sa mismong labas ng
pintuan niya!
Iyon ang nagpagalit sa Diyos,
dahil ang pananaw na ito ang siyang kabaligtaran ng pananaw ni Hesus!
…nakaluklok sa langit, ang Panginoong
Hesus ay tumapak sa marumi at dalitang lupa
…Lubhang makapangyarihan, namuhay
siya sa kahinaan sa piling nating mahihina
…Panginoon ng lahat, pero naging
alipin ng lahat
…Bukal ng buhay, subalit nagpasyang
ialay sa krus ang buhay para sa kaligtasan ng kanyang mga kapatid.
Ipinakita ni Hesus, sa kanyang
buhay at kamatayan, na ang walang pakialam kung kaya at dapat namang makialam,
ay isang mabigat na kasalanan – tawag natin ay “kasalanan ng pagkukulang.”
Ang mag-alala sa hirap ng iba, ang
mabagabag sa dusa nila, ang makiisa sa paghahagilap, ang mag-abot ng kamay, ang
magpakita ng lugod at awa – ito ang mga siguradong paraan para makarating sa
langit. Walang ibang tugon ang Diyos sa mga ito kundi pagsang-ayon at
kagalakan!
Kaya huwag lang magdasal at
magbasa ng Bible, ano? Ngumiti rin at makipag-usap ka naman!
Huwag lang mag-ayuno at
sakripisyo! Tulong-tulong din sa kapwa pag may time!
Huwag lang mag-donate! Maglaan ng
oras sa taong nangangailangan ng iyong pagmamahal at awa!
HUWAG KALIMUTANG I-SHARE SA ISA PA! GOD BLESS PO!