IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K



DAPAT BANG PAGTIWALAAN?





May dalawa akong halamang sampaguita. Ang isa ay mayabong, malago at namumulaklak na. Ang isa ay naghihingalo, naninilaw ang dahon at ayaw lumaki.



Nang magbakasyon ako, nagbayad ako ng mag-aalaga sa aking mga halaman. Sabi ko, pagbalik ko dapat ang naghihingalo ay kahit paano buhay pa rin, at ang mayabong naman ay lalong masigla at mabulaklak.



Laking gulat ko naman nang bumalik ako. 

Ang dating halos matutuyot na halaman ay buhay nga at may usbong pa ng dahon at bubot na bulaklak! 

Pero ano ang nangyari sa dating masiglang halaman ko, na ngayon natuyot ang mga sanga at halos wala nang dahong natira! Nagkapalit yata sila ng kapalaran!



Ewan ko ba sa pinagbilinan ko! Binayaran ko naman siya pero ayoko nang magtiwala sa kanyang pag-aalaga! Naguluhan kasi ako. Pero  binigyan ko pa rin naman siya ng pasalubong kong chocolate!



Tinatalakay ng Panginoong Hesus ang isang katangiang nais ng Diyos. Naghahanap ang Diyos ng mapagkakatiwalaan. 

Sa talinghaga, isang tao ang may nagawang masama pero noong huli, nakabawi siya dahil sa pagiging mabuti sa kapwa.



May huwaran ba ng pagiging mapagkakatiwalaan sa mundo natin? Paano ba maging mapagkakatiwalaan?



Si Hesus ang tunay na mapagkakatiwalaan, ang huwaran ng isang tunay na nagtamo ng tiwala ng Ama.



Tayo rin ay mapagkakatiwalaan kung tutularan natin ang Panginoon.



Bagamat bahagya lang ang tema na ito sa ebanghelyo ni Lukas, sa Sulat sa mga Ebreo mas ipinapaliwanag kung paano naging mapagkakatiwalaan si Hesus.



Sabi doon, si Hesus ay naging tulad nating lahat at hindi siya tumangging yakapin tayong lahat bilang mga kapatid.



Higit pa dito, nagsakripisyo siya upang tayo ay makabalik sa landas ng Ama na ating tinalikdan. 

Naging tulad natin, upang higit na  maging maawain sa atin (basahin Ebreo 2-3).



Dahil sa kanyang pagmamahal at dedikasyon sa kapwa, itinuring na mapagkakatiwalaan si Hesus ng Ama.



Sa ebanghelyo ngayon may isang taong ang iniisip lang ay sarili. Subalit upang maligtas sa kapahamakan, nagsimula siyang mag-isip ng mabuti sa kapwa. Maaaring hindi dalisay ang hangarin niya pero kahit papaano, naituwid niya ang kanyang pagkakamali sa pamamagitan ng kabutihan sa iba.



Para sa Diyos, ang mapagkakatiwalaan ay walang kinalaman sa materyal o pinansyal na bagay.



… o  sa pagiging responsable at malikhain sa talento, galing at kaloob



… o sa katapatan sa pangako.



Para maging mapagkakatiwalaan, dapat matutong yakapin ang kapwa at ituring sila na may kabutihan, pasensya, pagbibigay, at paggalang.



Mapagkakatiwaalan ka kung alam mong lumingap sa iba, lalo na kung hindi ito madali sa iyo.



Madaming beses tayong nawawala sa pagtitiwala ng Diyos dahil sa ating pagiging makasarili. Nabubuhay tayo sa sarili lamang o sa maliit na circle ng tinatawag nating pamilya at kaibigan.



Kaya ba nating iunat pa ang puso konti para mapansin at mapaglingkuran at mahalin ang iba pa?



… yung kapitbahay na hindi mo binabati



… iyong katrabaho na hindi mo kinaibigan kaylan man



… ang dating kaibigan na hindi mo na kinakausap



… ang kasama sa bahay na tila bula o ihip ng hangin lamang sa iyo



… ang mga maliliit na taong kasalamuha moa raw-araw pero hindi mo alam ang pangalan at kasaysayan, dahil wala kang paki.



Sabi ni San Pablo, maraming kasalanan ang nabubura ng pag-ibig. Kapag natuto tayong umibig sa kapwa, magtitiwala din sa atin ang Diyos, dahil nagiging tulad tayo ni Hesus, na siyang laging tulad naman ng Ama! Naku, kay ganda pala!



Sana po maging karapat-dapat tayong pagkatiwalaan!




-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS