IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - A


MAGING MISYONERONG ALAGAD



Sa ebanghelyo ngayon, ginagawa ng Panginoon ang paborito niyang misyon.  Hindi po iyan pangangaral, pagpapagaling o paggawa ng mga kababalalaghan.  Ang ibig kong sabihing paboritong gawain ni Hesus ay ang tumawag ng mga tao upang sumunod sa kanya. 

Ang una niyang tinawag ay ang mga dakilang alagad na sina Pedro, Andres, Juan at Santiago – mga bigatin ng ating pananampalataya na naging mga apostol, misyonero, santo at mga unang papa at Obispo natin. Pero huwag nating isiping ang tinatawag lang ng Panginoon ay ang mga inihahandang maging tanyag.

Habang tinatawag niya sila, tumatawag din ang Panginoon ng mga iba pang tao.  Sa pamamagitan nila, tatawag pa ang Panginoon ng marami pang iba. Kaya nga, patuloy na tumatawag si Hesus sa atin ngayon. Pati tayo ay kasama sa mga tinatawag ngayon na sumabay at makilakbay at sumunod sa kanya.

Dahil mangingisda ang unang mga apostol, ginawa silang “mangingisda ng mga tao.” Pero ngayon tumatawag ang Panginoong ng mga “guro ng mga tao”, “nanay at tatay ng mga tao”, “driver ng mga tao”, “salesladies ng mga tao”, at iba pa.

Kung ano tayo ngayon, mula doon tayo tinatawag ni Hesus na sumunod sa kanya. Doon niya ibinibigay sa atin ang misyon at bokasyon. Siyempre meron ding tinatawag ng Panginoon sa tanging misyon na iwanan ang lahat upang maging mga pari, madre at relihyoso.

Ngayon ay taon pa naman ng mga Layko, mga binyagang Kristiyano na ang buhay ay hindi sa simbahan o kumbento kundi sa aktibong pakikilahok sa tahanan, trabaho at ibang gawain sa lipunan. Kayong mga layko ay inaanyayahan ng Panginoong Hesus na punuin ng presensya ng Diyos ang mundong inyong ginagalawan araw-araw.

May magandang tawag si Pope Francis sa tawag ng Diyos sa atin. Tayo daw ay hindi basta alagad kundi mga “misyonerong alagad”. Hindi ba ganito nga ang pakay ng Panginoon sa kanyang mga tinawag na sumunod sa kanya?  Pagkaraan nito sila ay isusugo naman niya sa iba upang maglingkod.

Pakinggan natin ang boses ng Panginoon na tumatawag sa ating pangalan, na umaakay sa ating kamay, na nag-uudyok sa ating ibigay ang ating sarili sa kanya upang mapaglingkuran ang kapwa. Maging tunay na “misyonerong alagad” nawa tayong lahat sa ating sariling katayuan at sitwasyon ngayon. Amen.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS