KAPISTAHAN NG PAGBI-BINYAG KAY HESUS SA ILOG JORDAN


PINILI AKO NG DIYOS!



Natutuwa ako na ilang kabataan sa parokya ang nagsaad ng kagustuhan na maging Katoliko. Nais daw nilang tumanggap ng sakramento ng Binyag. Talagang excited sila.  Parang ganito rin sa Mabuting Balita natin ngayon. Si Hesus ay buong pananabik ding lumapit kay Juan Bautista upang magpa-binyag.  Noong una, tumutol pa si Juan subalit sa paliwanag ng Panginoong Hesus, bininyagan niya ang kanyang Panginoon.

Isang mahalagang kahulugan ng binyag ang ipinakikilala sa atin ngayon.  Para sa mga kabataang ito, at tulad ng Panginoong Hesukristo sa ebanghelyo na pumunta kay Juan, ang binyag ay isang pasya, isang pagpili.  Damang dama ito ng mga may edad na na nagnais magpa-binyag.  Malayang pinipili nila ang binyag para sa kanilang sarili kahit na may kaakibat itong mga kundisyon sa araw-araw na buhay.

Pero paano naman tayong nabinyagan noong bata pa. Ni hindi natin alam ang naganap nang binyagan tayo.  Ang tanging ala-ala natin ay mga litrato sa album na itinatago natin sa ating bahay. 

Para sa ating mga “cradle Catholics,” mga bininyagan noong bata o sanggol pa, ipinaaala sa atin na bagamat hindi tayo ang pumili, tayo naman ay “pinili” ng Diyos.  Hindi tayo “pinilit.”  Hindi din ito “ipinilit” sa atin.  Mula sa ating pagkabata, tayo ay pinili ng Diyos sa pamamagitan ng binyag sa tulong ng mga magulang.

Kahit nga iyong mga bininyagang may sapat na isip at gulang ay pinili din ng Diyos dahil hindi naman nila aasamin na maging Kristiyano, na maging Katoliko, kung hindi Diyos ang unang nag-anyaya sa kanila.  Sila din, tulad natin, basta dumaan sa binyag ay “pinili” ng Diyos.

Tayo ay pinili – napakagandang maalala at tandaan itong katotohanang ito.  Pinili tayo ng Diyos kahit na noong batambata pa tayo, noong wala pa tayong kakayahan, noong walang kwenta pa tayo sa lipunan. Nauna ang Diyos na magmahal at magpahalaga sa atin. 

Minsan nararamdaman natin na parang walang saysay ang ating buhay, tila hindi na tayo mahalaga sa mga taong pinahahalagahan natin, o tila wala na tayong ginagawang mabuti, o tila nilampasan na tayo ng panahon.  Pagdating ng ganitong pagsubok, isa lang ang magbibigay sa atin ng lakas:  tayo ay Kristiyano, tayo ay binyagan, tayo ay pinili ng Diyos.

Pinili tayo ng Diyos dahil mahal tayo ng Diyos.  Pinili niya tayo dahil natutuwa siya sa atin tulad ng pagkagiliw niya sa ating Panginoon Hesus:  “Ito ang aking anak na kinalulugdan…”

Magalak ka.  Tumayo ka at harapin ang buhay na may tatag.  Pinili ka ng Diyos!

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS