IKA-5 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B

-->
HIWAGA NG PAGDURUSA




Pangkalahatang karanasan ito. Kung nadarama ng isang tao sa kanyang buto, sa iba naman dama sa puso. Habang nangyayari sa katandaan ng isa, ganun din naman nagaganap ito sa kabataan ng panahon para sa isang tao pa. Karaniwang tadhana ito ng lahat ng tao na nag-uugnay sa ating mga buhay – mayaman o mahirap, makapangyarihan o aba, matalino o mangmang, malakas o mahina. Tinutukoy sa mga pagbasa ang kaakibat na ito ng buhay – pasakit at pagdurusa.



Inilalahad sa Aklat ni Job ang mga biyaya sa kabataan niya, ang mga pagsubok na sumunod at mga pagdurusang kumitil ng kanyang kaligayahan, at sa huli, ang katubusan na dala ng biyaya ng Diyos kay Job. Ito ang aklat na tahasang nagsaliksik ng sagot sa katanungan ukol sa problema ng kasamaan. Kung mabuti ang Diyos, bakit pinababayaan niya ang pagdurusa? Kung may kinalaman ang paghihirap sa kasalanan, bakit pati mabubuting tao ay nakakaranas nito?



Sino kaya sa atin ang hindi makakaugnay sa mga pagsubok ni Job? Bawat isa ay may bahagi ng pagkalugmok, suliranin, karamdaman, pambubusabos, o kasawiang-palad. Sa pagharap sa masasakit na yugto ng buhay, hindi kakaunti sa atin ang halos nasiraan ng isip, nagtangkang magpatiwakal, nalulong sa bisyo, o nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Maging ang Aklat ni Job ay hindi tagumpay sa paghanap ng tugmang tugon sa problema ng kasamaan. Naging matagumpay lamang ito na ipahayag ang saloobin ng sangkatauhang nagdurusa.



Ang paghihirap ay isa talagang malaking hiwaga. Pero hindi ito lampas sa impluwensya ng Diyos. Ang tugon ng Diyos sa pagdurusa ay hindi iyong inaasahan natin mula sa isang mabuti at makapangyarihang Diyos. Hindi pagsugpo, hindi pagtataboy, hindi pagtunaw ng pasakit ng buhay ang naisip ng Diyos na pinakamabisang paraan laban sa kasamaan at paghihirap. Sa halip, ito ay ang pakikiisa, pakikilakbay, pagyakap, at kaligtasan.



Sa isang usapan kamakailan, nasabi ng isang kaibigan ko ang isang palaisipan na maaaring makatulong sa pag-unawa sa anumang pagdurusa na dinadanas natin sa ating buhay ngayon: malayo man at madilim ang paglalakbay; malabo man ang hantungan, isa lang ang may katiyakan: ang ating Kalakbay. Kay Kristo, mayroong nakikibahagi sa ating mga agam-agam, nagpupunas ng mata nating luhaan, at yumayapos sa atin kapag nasasaktan.



O Hesus, kaibigan naming nagdurusa, halina at samahan mo kami. Halina at lingapin mo kami. Amen.

 (natatanging pagbati sa mga tagasubaybay na pinoy ofw... kasama kayo sa aming panalangin...)


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS