IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K



UNLI LOVE





May nadagdag na salita sa bokabularyo nating mga Pinoy – “unli.” 

Kakain tayo sa restawran na may unli rice. Hahanap tayo ng unli wifi. 

Bibili tayo ng sim na may unli call and text. Masyado nating gusto ang unli sa buhay – iyong mas marami, mahaba, malawak, todo!



Sa mabuting balita, isang abogado ang nagtanong sa Panginoong Hesus kung ano ang susi ng buhay na walang hanggan. 

Ginabayan siya ng Panginoon sa sagot na siya din naman ang nagbanggit – pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. 

Ang abogado, bunsod ng pagkauhaw sa karunungan, ay lalong nagtanong kung sino ba ang dapat niyang mahalin, kung sino ba ang kanyang kapwa.



Bagamat hindi na sinagot ng diretso ng Panginoon ang tanong na ito, sa pamamagitan ng talinghaga ng Mabuting Samaritano, ginawa  niyang malinaw na tila maling tanungin kung sino ang paglalaanan ng pagmamahal. 

Ang tanong sa pagmamahal ay hindi kung sino ang mamahalin! Ang tamang tanong ay kung sino ang dapat unang magmahal! 

Ang Samaritano ay isang taong natuto na kung paano maging mapagmahal sa kanyang buhay lalo na sa mga miserableng taong nakakasalamuha niya, tulad ng lalaking ninakawan at binugbog sa daan.



Malaking hamon pa rin sa atin ang kuwento ng Samaritanong ito. 

Madalas ang hinahanap natin ay kung paano tayo magmamahal at kung sino ang dapat tampulan ng ating pagmamahal. 

Sa mga parokya, hinahanap kung saan puwedeng mag charity work pag Pasko. 

Sa mga paaralan, hinahanap kung saan maaaring magkaroon ng voluntary service.

Ang mga tv stations ay nag-aabang ng susunod na sakuna na maaaring maging beneficiary ng kanilang fund-raising o foundation. 

Hindi masama ang mga bagay na ito.



Subalit sinasabi ng Panginoon sa ating lahat na ang tanging daan sa pagmamahal – sa Diyos at kapwa – ay ikaw ang “maging”mapagmahal. 

Hindi iyong iisipin mo pa kung paano magmahal o sino ang mamahalin o kailan magmamahal. 

Kung ang isang tao ay tunay na mapagmahal, kaya niyang magmahal ng sinuman, saan man at sa anumang paraan. 

Ang Samaritano ay halimbawa ng isang taong walang hangganan ang lawak ng pagmamahal – unli lover!



Para makarating sa buhay na walang hanggan, isa lang na unli ang kailangan – "unli love."

Mahalin ang unang taong mangangailangan ng tulong mo ngayon. 

Magmahal saanmang lugar ka namumuhay, nag-aaral, naglilibang, at nagtatrabaho ngayon. 

Magmahal sa pinakasimpleng gawa o salita ngayon at huwag nang maghintay pa ng malaki o madramang sandali. 

Magmahal sa simpleng kabutihang magagawa mo sa bawat araw. 


"Unli love," ang katumbas sa huli ay "unli life" sa kalangitan.



(paki-share po para lalong makatulong sa iba at dumami ang magpuri sa Panginoon. thanks po!)


-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS