ANG PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOONG HESUKRISTO, B

LABAN NI HESUS, LABAN NATING LAHAT

Halos makabisado na natin ang motto ng pinakahuling laban ni Manny Pacquiao: Laban ni Manny, laban ng Pilipino. Tagumpay ni Manny, tagumpay ng bayan!  Pero totoo nga bang ang panalo ni Manny ay panalo nating lahat?  Sana lang, pati ang kita niya sa ring makarating sa bulsa ng mga dukhang grabe ang paghanga sa kanya.

Nandito na tayo sa huling yugto ng misteryo ng Pagkabuhay ng Panginoon. Ngayon ang Kapistahan ng Pag-akyat niya sa kalangitan. Tapos na ang kanyang buhay makalupa at ngayon ay panahon na upang muli niyang lasapin ang buhay na kasama ang Ama bago pa likhain ang mundong ito. Bumalik na si Hesus sa langit.

Ang Pag-akyat sa langit ay paalala sa atin na ang laban ni Hesus para sa kabutihan, sa paglilingkod, sa kaligtasan, sa katuwiran sa harap ng Diyos at sa pakikipagkaisa sa ating kapwa – ay laban din nating lahat. Ang kanyang buhay, kamataya, at luwalhati ay dumadaloy sa buhay ng sangnilikha, lalo na sa buhay ng mga nananalig sa kanya.

Sa Pag-akyat sa langit, itinampok ng Diyos ang kanyang Anak. Subalit itinatampok din niya tayong lahat dahil sinasabi niya sa atin na kaya napagtagumpayan ni Hesus ang mga pakikipagbuno niya sa daigdig na ito ay upang magwagi din tayo sa ating mga pakikibaka at makarating sa makalangit na gantimpala.  Ang Pag-akyat sa langit ang pintuan sa isang tunay at buhay na kaugnayan sa Diyos na nagpapabago sa lahat ng ating mga ugnayan sa mundong ito.

Nakikita natin si Hesus na umaakyat sa langit na makapangyarihan. Pero huwag nating kaligtaan na habang umaakyat siya, ibinabahagi niya ang kapangyarihan sa mga alagad: “…tatanggapin ninyo ang kapangyarihan kapag dumating ang Espiritu Santo sa inyo… magiging mga saksi ko kayo… hanggang sa dulo ng daigdig” (cf. Gawa 1: 1-11).  Ngayon bahagi tayo ng kanyang kapangyarihang magmahal, magpatawad, at maglingkod. Ngayon tayo din ay mga saksi niya sa mundong ito. Ang Espiritung bumuhay kay Hesus ay nasa ating puso din. Sa Mabuting Balita, Lk 24, binabasbasan ni Hesus ang mga alagad para maging mabunga at makabuluhan ang kanilang gawain tulad ng sa kanya.

Nawa’y maranasan natin ang kapangyarihan ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay na puno ng kahinaan, kamangmangan at kasalanan. Buksan nawa ng Panginoon ang ating mga mata upang makita na ang kapangyarihan ni Hesus ay kasa-kasama natin araw-araw.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS