KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO, B
BUHAY NA HANDOG
Napakagandang pagmasdan ang linya para sa Komunyon
tuwing Misa. Tila sabik na sabik ang lahat na tanggapin ang Katawan ni Kristo,
ang Dugo ni Kristo.
Pero
aminin natin, marami sa atin ang gumagawa nito bilang isang tradisyong
kinaugalian lamang. Ilan ang tumatanggap ng Katawan ni Kristo para lamang
maging kumpleto ang kanilang Misa? Ilan ang nagko-Komunyon pero wala namang kaugnayan
sa “isa pang Katawan ni Kristo” – ang mga tao sa paligid nila? Ilan ang madalas mag-komunyon pero
walang magandang ugnayan sa kapwa pag-uwi ng bahay?
Sinasabi
nating hindi kumpleto ang Misa kapag walang Komunyon. Pero ang Komunyon ay
hindi rin kumpleto kung walang pakikibahagi sa tunay nitong kahulugan. Ang Katawan at Dugo ni Kristo ay tanda
ng kanyang mapagmahal na paghahandog ng sarili sa kapwa. Ito ang nasa isip ni
Hesus noong damputin niya ang tinapay at alak at ibigay ito sa mga alagad: ito
ang aking Katawan ihahandog para sa inyo… ang kalis ng aking Dugo… sa
ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
Para
sa Panginoon, ang kilos na ito ay hind lamang ritwal, o pansariling kasiyahan,
o mismong pakay ng pagsamba. Ito ay tanda ng kanyang pagtatalaga ng sarili sa
pamamagitan ng sakit ng krus. Ito ang magiging tulay para sa kaligtasan ng
mundo, sa katauhan ng isang taong ang buhay ay pinaghati-hati at ibinigay sa
mga alagad.
Paano
mo ba tinatanggap ang Katawan ni Kristo? Kaugalian lamang ba? Panlabas na kilos
lamang ba? Kung ganito nga, walang kuwenta, walang kabuluhan ito.
Hilingin
natin ang biyaya na tanggapin ang Katawan ni Kristo bilang tanda na tayo din ay
laan na makiisa sa ating mga kapatid sa kanilang pangangailangan ng pagmamahal
at pagkalinga, awa at habag, pagpapatawad at bagong buhay. Nawa ang Katawan at
Dugo ni Kristo ay maging daan upang maging matulad tayo sa kanya sa pag-aalay
ng sarili sa Ama para sa mga tao sa paligid natin.