IKA-11 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B





ANG SIMULA NG KAHARIAN

Malapit nang marating ng isang kaibigan ko ang kanyang pangarap. Pero tuwing magku-kuwento siya, ang lagi niyang paksa ay ang simula ng kanyang pangarap; paano, kailan, sino ang mga naging bahagi ng pangarap niya.  At tulad ng lahat ng simula, ito ay nanggaling sa maliliit na bagay lamang; sa mga mahihinang bagay lamang, sa mga mumunting bagay lamang. Mula doon, naganap ang paglago at pagiging matibay ng pangarap na naabot niya ngayon.

Sa pagbalik natin sa Karaniwang Panahon ng simbahan, at sa karaniwang panahon ng ating buhay, ipinapaalala ng Diyos sa atin ang kapangyarihan ng mga maliliit at simpleng bagay ng ating buhay.

Ang isang mayamang ani ay mula sa maliliit na binhi na inihahasik sa lupa. Ang isang malaking puno, tulad ng mustasa sa Mabuting Balita, ay nanggaling naman sa munting butil na halos hindi makita ng mga mata. Oo, kahit ang Kaharian ng Diyos ay nagmumula sa mga hindi kapansin-pansing mga bagay at mga paraan.

Huwag tayong matakot magsimula mula sa maliit. Huwag nating iwasan ang maging hamak. Huwag nating iwaksi ang mga simpleng bagay, ang mga bagay na tila walang kuwenta.

Hindi agad kumikilos nang malaki ang Diyos. Hindi palaging bongga ang pagpasok Diyos sa ating buhay. Dinadalaw ng Diyos ang ating buhay sa tulong ng mga maliliit na bagay lamang. May kapangyarihan sa mga maliliit at hamak na tao, pangyayari, at kasangkapan sa ating paligid. Dito nagmumula ang Kaharian ng Diyos.

Ano ang mga maliliit na bagay sa buhay mo ngayon? Tanggapin mo at pasalamatan ang Diyos para sa mga iyan. Hilingin natin sa Panginoong Hesus na gawing ang mga maliliit na bagay na ito na tuntungan ng paglago at pagbabago at ng pagluwalhati sa Diyos mula sa ating puso.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS