KANDIDATO - by Mimo Perez


Finding Mimo / April 25, 2016


Napansin mo ba? Nasapawan na ng mga kandidato ang kinang ng mga paborito mong artista at atleta. Paulit-ulit mo silang nakikita at naririnig sa radyo, peryodiko, telebisyon. At kahit saan ka lumingon, nagkalat ang campaign posters nila. Pag pumikit ka naman, maririnig mo pa rin ang campaign jingles nila.
Sila rin ang bida sa anumang umpukan sa loob ng bahay, opisina o pabrika. Paglabas mo, sila pa rin ang topic sa kanto, sa tapat ng tindahan, sa terminal, palengke at barberya.
Ang social media, lalo na ang Facebook, punumpuno rin ng mga balitang minsan ay me halong chismis at mga chismis na nagpapanggap na balita—lahat para i-promote o para pintasan ang mga kandidatong nagsasabong.
Minsan nga, parang madadaig pa ang init ng El Niño sa pagpapalitan ng maaanghang (mararahas pa minsan) na salita (totoo man o hindi) sa pagitan ng mga nagdedebateng kandidato pati na rin mga nag-aaway na mga tagasuporta.
Magandang tanda sana ito ng masidhing pakikilahok ng mga Pilipino sa proseso ng pagpili kung sino ang mamumuno sa bayan natin. Maganda rin ang panahon ng kampanya dahil pagkakataon natin para masilip sino ang maghahain ng matinong programa na kapanipaniwala at sino ang mambobola lang at mangangako.
Gayunpaman, sabihin mo sa akin—kailangan bang ilibing ang pagkatao ‘pag panahon ng eleksyon? Sa palitan ng opinyon at damdamin, kailangan ba talagang sa panlilinlang at karahasan humantong? Kailangan din bang isugal pati ang reputasyon at relasyon?
Ito ang magulo, maingay at nakakalungkot na kuwento na kinasasadlakan ng bayan natin ngayon. Pero kung iniisip mong wala kang magagawa para baguhin ang ganitong sitwasyon, nagkakamali ka.
Meron kang pwedeng gawin. Meron kang maaaring simulan para hindi man dagliang magbago ang paligid mo, pwedeng guminhawa ang ulo at lumuwag ang dibdib mo.

Una, HUWAG KANG LUMAHOK SA BATUHAN NG PUTIK.

Malaya kang manindigan at ipaglaban ang iyong kandidato pero ‘wag mong kalimutang may limitasyon ang kalayaan at karapatang ito.

Walang masama na ikampanya mo, irekomenda at ipagtanggol ang napupusuan mong kandidato pero hindi saklaw ng kalayaan at karapatang ito ang paninira, panlalait at malisyosong paglalarawan sa kalabang kandidato o sa kanyang mga tagasuporta.
Sa batuhan ng putik, hindi lang ‘yung inaayawan mong kandidato ang tinatamaan. Mas ginagatungan nito ang anumang pangit, masama at nakakawasak na sinisikap mong tanggalin sa sistema mo. Mas nadudumihan nito ang sarili mong pagkatao.
Sa batuhan ng putik, mas nakakasanayan ng mga batang nasa paligid mo ang isang pangit na ugaling maaari nilang manahin. Mas tinatamaan din ang mga relasyong matagal mong pinagyaman. At mas nalilibing ang angkin mong buti at ganda bilang anak ng Diyos at bilang Pilipino.

Ikalawa, TANGGAPIN MONG HINDI MO KONTROLADO ANG ELEKSYON.

Habang ginagawa mo lahat ng tama, totoo at mabuti para manalo ang pambato mo, matanggap mo sana ngayon pa lang na pwede syang matalo. Huwag mong kalimutan, kasama sa pakyaw at proseso ng pagsali sa eleksyon ang posibilidad na matalo.

Pag malinaw ‘yan sa ‘yo, hindi ka lalampas sa pwede at dapat mong kalagyan. Hindi ka maninira o mandadaya. Higit sa lahat, hindi mo itataya ang integridad mo kahit pa sa tingin mo ay may posibilidad syang magwagi kung magbubulag-bulagan kang pansamantala sa mali.

Ikatlo, IPAALALA MO SA SARILI: HINDI DIYOS ANG KANDIDATO.

Walang sinumang kandidato na walang kapintasan o hindi nagkakamali kaya ‘wag mo siyang ilagay sa pedestal na parang anghel o mesiyas. ‘Wag mong linlangin ang sarili mo na perpekto siya kaya ‘pag may kaibigan kang namintas sa kandidato mo, ganun na lang ang poot mo na ituturing mo agad siyang kaaway na mortal.

Tandaan, walang sinumang kandidato ang kayang mag-isang lutasin lahat ng suliranin natin. Pag makatotohanan ang pagtanggap mo na hindi siya ang instant and only solution sa napakaraming problema natin, may kakayahan kang sumuporta sinuman ang manalo. Dahil malinaw sa ‘yo na ang mga suliranin ng bayan ay hindi nakapatong lang sa kanyang balikat, kasama ka sa makikibuhat.

Ikaapat, MANATILING BUKAS AT MULAT.

Kapag bukas ka at mulat, mas matalas ang kakayahan mong piliin kung sino ang nararapat mong iboto.

Kapag bukas ka at mulat, pwede kang magpalit ng kandidato kung sa tingin mo ay ito ang mas makakabuti para sa bayan.
Kapag bukas ka at mulat, kahit tapos na ang eleksyon, pahahalagahan mo ang mabuting ginagawa ng sinumang kandidatong nanalo pero babantayan mo rin siya at sisingilin kung di niya ginagawa ang kanyang trabaho.
Apat na mungkahi para ilagay sa tamang konteksto ang eleksyon. Para maaalala mong mayroong mga bagay na mas mahalaga kesa pagkapanalo o pagkatalo ng iyong kandidato.
Ang importante lang naman, bago, habang at pagkatapos ng eleksyon, ‘wag tayo puro daing at reklamo. ‘Wag tayo puro paligsahan ng opinyon paano tayo aasenso. ‘Wag tayo ang unang mamintas o magtakwil sa bayan natin lalo na kung naging bahagi tayo ng problema kaya tayo nagkaganito.
Sa halip na magkanya-kanya ng direksyon, maging bahagi tayo ng solusyon. Maging buhay na tanda tayo ng nalalabing maganda at mabuti sa lahing Pilipino. Kung gaano tayo kapusok pag panahon ng eleksyon, ganun din sana kaalab ang pagmamahal natin sa bayan sa buong taon.
Ganun din sana tayo kaseryoso sa pagbabayad ng tamang buwis, sa pagsunod sa batas-trapiko at sa tamang pagtatapon ng basura. Ganun din sana tayo kagiting sa pangangalaga ng kalikasan at sa pagrespeto sa karapatan ng kapwa: may pinag-aralan man o wala, anuman ang kasarian o katayuan sa buhay, maging ang may kapansanan. Ganun din sana tayo katapang sa larangan ng pagmamalasakit sa kapwa, anuman ang pinagmulan, anuman ang paniniwala.
Dahil ang totoo, ang kapalaran ng bayan, nasa kamay talaga ng bawat isa sa atin. Mangunguna at mangangasiwa lang ang iboboto nating pulitiko. Paglipas ng halalan, tuloy ang pag-inog ng mundo at tuloy ang buhay ng mga Pilipino, manalo man o matalo ang minamanok mong kandidato.
Sa huli, pagdating sa usapin at hamon ng tunay pagbabago, ikaw at ako, lahat tayo—kandidato.
Mimo Perez
_________________________________
Ang finding mimo article ay lumalabas tuwing Lunes sa The Weekly Frontpage. Para regular mo itong matanggap, i-like ang page na ito o ang fb.com/CoachMimo

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS