DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO (CORPUS CHRISTI)
-->
EUKARISTIYA BILANG
TAMBALAN
Sa Mabuting Balita ngayon,
ginanap ni Hesus ang di-malilimutang himala ng pagpaparami ng tinapay at isda.
Nakatala ito sa lahat ng ebanghelyo dahil ngayon lang nakakakita ng ganito ang
mga tao. Wala pang nagtagumpay na magpakain ng laksa-laksang tao mula sa
kakarampot na pagkaing naipon.
Pero kataka-taka nang sabihin ng
Panginoon sa mga alagad: kayo ang magpapakain sa kanila. Noong una, gusto ng
mga alagad na paalisin ang mga tao para maghanap ng pagkain. Ipinilit ng
Panginoong Hesus na sila dapat ang kumilos. Nang huli, nakakuha sila ng 5
tinapay at 2 isda – para sa 5,000 tao – napakaliit talaga!
Ang ang pakay ni Hesus?
Inaanyayahan niya ang mga alagad na makibahagi sa himala. Hindi sila tagamasid
lamang, hindi manonood lamang, hindi mga taga-palakpak lang nang dumami ang
pagkain. Sila ay bahagi ng magaganap na himala.
Hindi hinihingi ng Panginoon ang
laki o dami ng kanilang kontribusyon. Hindi niya sinabi: humanap kayo ng 50% at
akin naman ang 50%. Hindi rin siya humingi na gumawa sila ng anumang malaking
gawain tulad ng paggawa ng higanteng oven or malaking kalan. Kahit ano ang
maibibigay nila ay sapat na. Hindi dami o laki o paggawa ng anuman ang hanap ng
Panginoon.
Hinahamon ng Panginoong Hesus ang
mga alagad na makibahagi, na makiisa, sa himala niya sa pamamagitan ng kanilang
tiwala at pag-asa sa kanya; na maniwala silang kaya niya ang imposible; na
magtiwala silang siya ang sagot ng Diyos sa gutom at uhaw ng mga tao. Kahit
munting tiwala lamang at maliit na pag-asa ay malayo ang mararating kung
mananampalataya kay Hesus. At naganap ang di inaasahang himala!
Maraming gutom ngayon sa
espirituwal na bagay. Nais ng Panginoon na pakainin lahat sa Eukaristiya. Pero
marami ang naghahanap sa malayo para sa pagkaing nasisira at nauubos. Tumatalikod sila sa Panginoon na
naghihintay sa altar. Meron namang lumalapit sa Panginoon pero walang
inaasahang masyado. Di ba maraming nagsisimba na madalas nakatingin sa relo o
sa cell phone kaysa sa altar? Nangangarap
ng kung anu-anong ang gagawin pagkatapos ng Misa o kung ano ang palabas sa tv,
ano ang kakainin pagkatapos?
Kung tayo ay dadalo sa
Eukaristiya, dapat tayong makinabang sa ginagawa natin. Inaanyayahan tayo ng
Panginoong Hesus na makinabang sa pamamagitan ng tiwala at pag-asa sa kanya. Oo,
maraming kaguluhan sa isip o tukso sa mata sa loob ng Misa. Pero kapag ang puso
ay nakatutok kay Hesus, nagaganap ang himala. Ang Eukaristiya o Misa ay
tambalang natin at ng Diyos. ibigay mo sa kanya ang para sa kanya. Gagawin niya
para sa iyo ang himalang inaasahan mo!