IKA-SAMPUNG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
MABISA AT NAKAHAHAWA
Talagang isa sa pinakamaganda at
pinakamakabagbag-damdaming salaysay sa Mabuting Balita, ang kuwento ng biyuda
sa Naim at ang kanyang namatay na anak ay laging nagpapanariwa sa atin ng awa
at habag ng Panginoon.
Nilapitan ni Hesus and babae,
isang biyuda at ina ng kaisa-isang anak, na namatay ngayon. Hindi niya kilala
ang babae. Pero may nakita siyang isang bagay na nakapagpahinto sa kanya at
nais niyang tumulong. Nakita ni
Hesus ang mga luha ng babae. Sinabi niya: huwag ka nang umiyak.
Bilang tugon sa mga luha ng
babae, si Hesus ay napuno ng habag. Dahil sa kanyang habag, binuhay niyang muli
ang lalaking namatay na. Mabisa ang habag ng Diyos. Makapangyarihan ang habag ng
Diyos. Ang habag ng Diyos ang bumubuhay ng anumang patay na sa ating buhay,
anumang nawawala na sa ating buhay, anumang ipinagluluksa natin sa ating buhay.
Ang babae ay kinatawang ng marami
sa atin. Ang “babaeng umiiyak” ay paalala sa atin ng “mga taong umiiyak” sa
ating paligid. Umiiyak dahil sa kahirapan, sa karamdaman, sa walang pakialam na
kapwa, sa nasisirang mga relasyon o ugnayan, sa katigasan ng puso ng mga taong
nakapaligid. Bakit hindi natin ipakita kay Hesus ang ating mga luha at hayaan
siyang hipuin tayo ng kanyang habag?
Maaaring ito na ang simula ng himala sa ating buhay…
Pero ang awa ni Hesus ay hindi
pang-display lamang. Hindi ito panandaliang kabutihan lamang. Ang habag ni
Hesus ay dumaloy sa buhay ng mga alagad, na pagkatapos ng Pagkabuhay, siyang
nagpatuloy na magpakita ng habag sa marami pang mga tao na umiiyak sa paligid.
Matapos nating masaksihan, at
maranasan ang habag ng Panginoon, nais din ba nating punasan ang luha ng kapwa
nating umiiyak din? Mabisa ang kanyang awa. Nabubuhay tayo at napupuno ng
pag-asa dahil dito. Nakakahawa ang awa ni Hesus. Nararamdaman mo ba na gusto mo
itong ibahagi sa iba ngayon?