DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT NI HESUS SA LANGIT, K
-->
PARA SA ATIN ITO
Kung may Pinoy na nagkataong
palarin upang magtrabaho abroad, hindi niya ito itinuturing na pansariling
suwerte lamang niya. Lumalabas siya ng bansa, sa isang lugar na hindi niya
gamay, dahil nais niyang maniguro para sa kapakanan ng mga minamahal niya sa
buhay. Kaya puwede nating ma-imagine na habang nagtatrabaho sa abroad, ang
isang Pinoy ay nakatingin tungo sa masaganang buhay, at maya’t-maya naman ay
nakalingon sa pinanggalingan, upang makita kung gumaganda ba ang kalagayan ng
mga iniwan.
Madalas nating ilarawan ang
Pag-akyat ng Panginoong Hesus sa langit bilang pagtawid niya sa “finish line”
dahil tapos na ang kanyang laban.
O kaya naman bilang pagkakamit niya ng korona ng tagumpay dahil nakamit
niyang muli ang kanyang luwalhati bilang Anak ng Diyos. O kaya naman, tila ito
pagpapasa sa mga alagad ng misyon na sinimulan ng kanilang Panginoon at Diyos.
Palagay ko, sa puso ni Hesus,
ibang-iba ang nagaganap. Ang Pag-akyat niya sa langit ay hindi para sa kanyang
kabutihan, o kapahingahan, o kaluwalhatian lamang. Bumalik siya sa Ama para sa
kapakanan ng kawan na tinipon niya sa lupa, para sa bayang ipinagkasundo niya
sa Kaharian ng Diyos. Hindi ba sabi niya na babalik siyang muli? Ganyan ang
isang OFW, na nangangakong uuwi sa takdang araw. Hindi ba sabi din niya na
paroroon siya upang ipaghanda tayo ng tirahan? Parang OFW na unti-unting
inaasikaso ang mga papeles ng kanyang pamilya para makasunod sa kanya.
Pagkatapos ng Pagkabuhay, nang
umakyat siya sa langit, dala-dala tayo ni Hesus, sa kanyang isip, sa kanyang
puso. Naalala niya lagi tayo habang nasa luwalhati kasama ng Ama at ng Espiritu
Santo. Nananabik siyang makapiling tayong muli at makugnay muli.
Ang hamon ay nasa ating mga
kamay, hamon na maging tapat sa ala-ala ni Hesus. Ngayong hindi natin siya
nakikita sa harapan, minamahal ba natin din ang kanyang ala-ala at lagi ba
tayong nabubuhay sa pananabik na makatagpong muli siya? Ginagawa ba natin ang
lahat upang maging posible ang muli nating pagtatagpo?
Isang kaibigan ang nagtrabaho ng
10 taon sa abroad upang mapabuti ang pamilya. Nang umuwi siya, laking lungkot
nang makita niyang walang nagbago, sa halip, lumala pa ang situwasyon sa bahay
nila. Ang mga kapatid niya ay nagdo droga, ang mga kamag-anak ay panay inuman,
maagang nag-asawa o nabuntis ang ilan, at lahat ay tambay at walang trabaho. Ano
ang nangyari sa perang ipinapadala niya? Ano ang nangyari sa mga pangarap?
Ang panahon ng pagkakahiwalay
natin sa Panginoon ay oras upang pahalagahan at gamitin na inspirasyon ang
ala-ala ni Hesus. Iniisip niya tayo lagi. Ganoon din ba tayo? Kung ganoon,
simulan nating ayusin ang ating mundo, ang ating buhay, ang ating ugnayan,
upang maging handa tayo sa kanyang pagbabalik.