DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD, K
-->
PAG-IBIG, IYON LANG!
Ninenerbiyos tayo kapag naisip
natin ang Santissima Trinidad, o the Most Holy Trinity. Grabeng misteryo kasi!
Hindi nga naintindihan ni San Agustin, ako pa kaya? Paano nga ba ipaliwanag
ito? Dito sa pistang ito, lumulutang ang katangahan natin at kahinaan sa harap
ng dakilang katotohanan.
Kasama sa Holy Trinity ang
misteryo, ang doktrina. Hindi tayo puwedeng maging tunay na Kristiyano kung
hindi natin alam ang turo ng simbahan… at paniwalaan ito nang buong puso. Hindi
madali, pero huwag tayong malito. Ang Holy Trinity – Isang Diyos sa Tatlong
Persona – hindi iyan doktrina muna! Sa halip, iyan ay kilos, karanasan, at
pag-ibig ng Diyos.
Ang Holy Trinity ay pag-ibig.
Ganito natin nalaman na mayroong Trinity. Itinuro ng Panginoong Hesus sa salita
at gawa. Kaya ito ang pinakamagandang paraan para maunawaan ng ating isip… at
ng ating puso, at maranasan ito araw-araw.
Si Hesus ang guro natin tungkol
sa Trinity. Kung hindi niya ibinunyag, hindi natin ito malalaman.
Laging ipinaliwanag ni Hesus na
ang Diyos ay Ama na umaapaw sa pag-ibig. Siya ang Ama ng Israel; ama ng bagong
Israel, ang simbahan; at Ama din ng hindi-Israel, o iyong mga ayaw mapabilang
sa kanya, ng mga tumatalikod sa kanya. Ang Diyos ay pinakamagandang
mailalarawan ng katauhan ng Ama sa talinghaga ng alibughang anak – yakap-yakap
ang masamang anak, inaalalayang tumayo muli, binubulungan na hindi siya
puwedeng maging alipin kundi anak siya palagi. Grabeng Ama, at ito ang Diyos sa
atin.
Sinabi rin ni Hesus na siya ang
Anak ng Amang ito. Dumating siya
sa mundo upang ituloy ang gawain ng Ama – magpatawad, mag-aruga, mag-ganyak,
magpanibago. Si Hesus ang Anak ng Diyos na “nagmahal sa akin at ibinigay ang
buhay niya para sa akin” (Gal 2: 20). Isinabuhay niya ang pag-ibig ng Ama sa
kanyang buhay at sa kanyang kamatayan, minahal niya tayo “hanggang sa dulo” (Jn
13:1). Kung tinatanggap mo ang Diyos na Ama ng pag-ibig, madaling maunawaan na
si Hesus ang Anak na nagmamahal tulad ng Ama.
Itinuro din sa atin ni Hesus ang
isa pang darating, ang Espiritung Mang-aaliw. Espiritu siya hindi dahil tila
ihip ng hangin na di nakikita. Espiritu siya na nagbibigay pag-asa sa nanlulumo
at nalulumbay. Espiritu siya dahil nagtuturo siya sa atin na magdasal kung
hirap tayo. Espiritu siya dahil
tagapagpa-alala siya ng lahat ng ginawa sa atin ni Hesus at ng kanyang Ama. Ang
Espiritung ito ang nagdadala sa atin sa presensya ng Ama at Anak para patuloy
nating maranasan ang pagmamahal.
Ang Holy Trinity ang tuloy-tuloy
na karanasang ng buhay, tunay at umaapaw na pag-ibig mula sa Ama, sa Anak, at
sa Espiritu Santo. Huwag tayong malito sa bilang ng isa at tatlo, o kung paano
ipaliwanag ang isang misteryo. Sa halip, bayaan nating dumaloy ang pag-ibig sa
ating buhay at punuin tayo ng kagalakan.