DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGBABA NG ESPIRITU SANTO, K

-->
KATUWANG SA AKING KAHINAAN






Sa isang napakagandang panalangin, ang tawag sa Espiritu Santo ay “katuwang sa aking kahinaan.” Nakagugulat itong bagong tuklas na tawag sa Ikatlong Persona ng Santissima Trinidad, ang Diyos na dumarating ngayong Pentekostes.



Sa buhay, napapaligiran tayo ng ating mga “kahinaan.” Hindi lamang pisikal – sakit o kapansanan. May kahinaan din sa emosyonal, sa espiritu, sa isip. May kahinaan sa ugali o pagkatao. Anumang hadlang sa paglago bilang mga tao at mga Kristiyano ay kahinaan din.  Ano ang iyong tanging kahinaan?



Ang mga apostol din ay nakaranas ng kahinaan. Matapos ang kamatayan sa krus ng Panginoon, dumaan sila sa kalungkutan at paninimdim. Natakot sila sa husga ng iba. Napahiya sila sa mundo. Kahit matapos ang Pagkabuhay ni Hesus, nanghina sila at nawalan ng lakas na harapin ang kinabukasan hindi nila alam.



Ipinadala ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo upang hawakan ang mga apostol kung saan sila lubhan nasasaktan, nanghihina, natatakot, nanlulupaypay. At lumabas sila sa kanilang lungga, at ngayon, puno ng buhay at sabik magbahagi!



Tinanggap natin ang Espiritu Santo sa mga sakramento. Pero dumarating siyang muli upang tulungan tayo sa ating “kahinaan.” Tayo rin ay may mga takot, duda, tanong, mga gusto at pagsubok ngayon. Maraming balakid sa ating pagtakbo sa buhay o paglipag paitaas tungo sa mga pangarap.



Sinasabi ng Panginoong Hesus ngayon na ang Espiritu Santo ang katuwang natin at gagawin niya ang dalawang bagay: tuturuan niya tayo at paaalalahanan niya tayo.



O Espiritu Santo, turuan mo akong isuko sa iyo ang aking buhay. Turuan mo po akong magtiwala sa Diyos sa gitna ng aking kahinaan. Turuan mo po aking lumakas at tumapang. Akayin po ninyo akong umasa sa iyo bilang aking lakas at tanggulan. Ikaw ang aking pag-asa at galak!



O Espiritu Santo, paalalahanan po ninyo ako dahil ako ay makakalimutin. Bumabalik ako sa dating gawi, sa dating mga kasalanan at pagkakamali. Nalilimutan kong ako ay mahal mo. Mahal na Espiritu Santo, ipaalala mo po sa akin na laging sa Diyos tumitig, at damhin ang kanyang pag-ibig, yakap, kalinga. Ang Diyos ay nasasa akin, dahil ako ay templo ng Espiritu Santo.



Espiritu Santo, katuwang sa aking kahinaan, halina!


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS