IKA-19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
PARANG LULUBOG
Mula pa noon, ang daming
nang kuwento tungkol kay San Pedro, lalo na sa kanyang kahinaan,
pagpapadalos-dalos at kakulangan sa paghusga sa mga bagay-bagay. At
sino ang sisisihin kung ganito talaga si Pedro. Sinasalamin niya sa
atin ang mahina, kulang, at mali sa ating mga sarili. Kaya nga kung
pagtatawanan natin si Pedro, sana pag-isipan din natin ang ating
sariling situwasyon.
Sa mabuting balita ngayon
(Mt 14), nang makita ni Pedro ang Panginoong Hesus na lumalakad sa
ibabaw ng tubig, agad niyang ninais na sumama dito. Nang anyayahan
siya ng Panginoon, lumitaw ang tunay na kulay ni Pedro; kulang ang
kanyang tiwala, at kaya siya ay unti-unting lumubog.
May kasabihan sa Ingles
na “the sinking feeling”. Ito yung nagaganap kung bigla at di
maipaliwanag na nakaramdam ka na may mali, may masama, may kakaibang
nagaganap. At pagkatapos bigla kang dinapuan ng takot na baka hindi
mo kayanin ito. Ang problema ni Pedro ay parang tulad ng kahulugan ng
kasabihang ito: ang pakiramdam na ikaw ay lumulubog. Para tayong
lumulubog dahil nahihintakutan tayo ng mga alon at hangin sa dagat ng
buhay at hindi tayo lubos na makapagtiwala na kaya nating lumakad sa
tubig kasama si Hesus.
Mabuti na lang at mabilis
bumawi si Pedro. Bigla niyang naalalang isigaw ang
napakamakapangyarihang panalangin: Panginoon, iligtas mo po ako! Nang
maunawaan niyang kulang ang kanyang tiwala, pinalakas niya ito sa
pamamagitan ng pagsuko sa nag-iisang maaaring magligtas sa kanya.
Kasama ko sa pilgrimage
si Ka Sanny, doon sa tubig kung saan naganap ang himala ng
ebanghelyo. Habang naroroon kami, naunawaan niya na kumakapit pala
siya sa isang bagay sa nakaraan, isang bagay na nagdudulot ng sakit,
isang bagay na nagpapabagal sa kanyang pag-usad. Lagi niyang dala ang
ilang pirasong buhok ng kanyang anak na dalaga na namatay sa
leukemia; isang kamatayang hindi niya matanggap at malimutan.
Tulad ni Pedro, sa ibabaw
ng tubig, hinugot ni Ka Sanny ang mga buhok sa kanyang wallet,
ikinalat sa tubig at sa wakas, isinuko niya ang lahat sa Panginoon.
Ang kanyang mga luha noong araw na iyon ay mga luha ng kagalakan at
kaligtasan dahil natuto siyang muli na magtiwala. Ang kanyang anak ay
ligtas sa kamay ng Diyos at ang kanyang buhay ay mahalaga sa
Panginoon.
Para ka bang lumulubog
minsan? Tulad ni Pedro at Sanny, bakit hindi mo subukang magdasal:
Panginoon,iligtas mo ako – sa kalungkutan at paninimdim, sa
adiksyon, sa kawalang-pagasa, sa karamdaman, sa galit at
kayabangan... Sunggaban ang kamay ng Panginoon dahil nais niyang
maging tagumpay kang maglakad sa ibabaw ng tubig ng buhay! Kaya
nating lumakad sa ibabaw ng mga alon, kasama si Hesus!