IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
PALABAN
Sa unang sulyap tila ang
babae sa Mabuting Balita ay babaeng sawimpalad. Una, pinahihirapan ng
demonyo ang kanyang mahal na anak. Sa kanyang kahinaan, bumaling siya
sa nag-iisang lunas na mabisa. Hinanap niya ang Panginoong Hesukristo
na kilala sa kabutihang loob at sa kapangyarihang magpagaling.
Subalit hindi dito
natapos ang kanyang mga problema. Tila ayaw siyang pansinin ni Hesus
at pati ang mga alagad ay gusto siyang ipagtabuyan. Dahil ito sa
pagiging taga-Canaan ng babae; isang lahi na hindi itinuturing na
kapantay ng mga purong Israelita. Dumanas siya ng diskriminasyon
dahil sa lahi.
Pagkatapos pinaringgan pa
siya ni Hesus na siya ay tila isang “aso” na hindi maaaring
magkamit ng pagkaing para lamang sa mga anak ng tahanan. Dahil ba ito
sa kanyang pagiging babae, isang nilalang na mas mababa sa mga
kalalakihan? Bakit ang mga lalaking lumalapit ng tulong kay Hesus ay
hindi nakakaranas ng ganitong pagtrato mula sa kanya? Dumanas ang
babaeng ito ng diskriminasyon dahil sa kanyang pagiging babae.
Kung ang mga ito ang
batayan, tiyak puputaktihin na ang Panginoon ng mga aktibista,
bashers, maninira at mga troll sa social media. Isa itong tao na
nagbabalewala sa mga dayuhan at sa mga kababaihan!
Pero bago tayo dumako sa
ganitong panghuhusga, inaanyayahan tayo ng Salita ng Diyos na
titigang muli ang babae – ang kanyang pagsusumikap at ang tatag ng
kanyang puso. Hindi siya natinag sa ipinakitang ugali ni Hesus. Hindi
niya pinansin ang tawag sa kanya. Seryoso lamang siya sa isang bagay
at buo ang loob niyang kukunin ito. Natagpuan na niya si Hesus at
hindi siya aalis hanggat hindi gumagaling ang kanyang mahal na anak
na babae. Walang pagsubok na makapagpapaurong sa kanya!
Sa katunayan, ito ang
nais ni Hesus na palutangin sa katauhan ng babae, ang makita ng lahat
ang kanyang pananampalataya. Ang kanyang unang ipinakita sa babae at
para lamang hamunin, hindi hamakin, ang babae. Sa huli, napasigaw si
Hesus sa paghanga: Babae, dakila ang iyong pananampalataya (Mt.
15:28). Sa halip na alipustain ang babae, tunay na pinakinang ni
Hesus ang pananampalatayang nananaig sa harap ng mga balakid at
pagsubok sa buhay.
Minsan ba ay parang ayaw
mo nang magtiwala at manampalataya kapag nagdarasal? Hinahayaan mo
bang panghinaan ka ng loob dahil sa mga pagsubok? Ipagdasal nating
magkaroon ng biyaya tulad ng babaeng ito. Sa totoo lang, hindi siya
sawimpalad, kundi isang taong tunay na palaban! Sa halip na sawi, siya ay wagi!