IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
BAKIT SI PEDRO PA?
Sa mga Katoliko, ang
mabuting balita ngayon (Mt 16) ay may matimyas na alingawngaw sa
ating pananampalataya. Ipinapakita dito ang natatanging pag-uusap ng
Panginoong Hesus at ng kanyang pangunahing alagad, si Pedro. Para sa
maraming eksperto, ang tagpong ito ang siyang paggagawad ni Hesus kay
Pedro ng katungkulan at kapangyarihang maglingkod sa simbahan sa
kanyang ngalan. Lagi nating sinasabi na dito naganap ang pagiging
Santo Papa ni San Pedro.
Subalit palagay ko, ang
mabuting balita ngayon, kahit nakatutok kay Pedro at sa mga naging
Santo Papa ng simbahan, ay may dalang mahalagang mensahe para sa
ating lahat. Kung di gayon, hindi magiging makabuluhan at angkop ang
mga salitang ito sa ating buhay. Bakit ba tinawag ni Hesus si Pedro?
Hindi naman siya ang pinakamagaling na alagad. Lagi siyang
nagkakamali. Madalas din siyang katawa-tawa. At sa huli, di ba,
itinatwa din niya ang Panginoon noong dakpin si Hesus ng mga kaaway
niya. Kaya, bakit siya?
Isang magandang tugon ay
ang pag-unawa natin sa dalawang paraan ng pagtingin natin sa kapwa
tao. Nariyan ang tingin na nagdadala ng kamatayan. Nagaganap ito
kapag nakatitig tayo sa iba na may panghihinala, pag-aakusa,
panlalait o panghihiya, panghuhusga at pagkokondena. Ganyan ang mundo
natin. Kapag ayaw natin sa nakita nating ugali o gawain ng isang tao,
kapag nalaman natin ang kanyang kamalian, kasalanan at krimen,
nakatatak na sa atin na negatibo siya at inaayawan natin siya.
At nariyan din ang
pagtingin sa kapwa na nagdadala ng buhay. Ito ay nagiging simula ng
pagpapatawad, panghihikayat at pag-asa. Si Hesus, at gayundin ang
kanyan Ama, ay ganito tumingin sa atin. Nakikita ng Diyos ang ating
kahinaan, mga sugat, at mga kasalanan. Pero sa kabila niyan,
binibigyan pa rin niya tayo ng isa pang pagkakataon, bagong buhay, at
bagong panimula.
Kapag tinitigan tayo ni
Hesus, sinasabi niya sa ating nagtitiwala siya sa atin at tayo ay may
kakayahang ayusin ang wasak nating mga kilos, salita at pag-iisip.
Naranasan ito ni Pedro at mga alagad. Patuloy nating nalalasap din
ito sa paglapit natin kay Hesus sa panalangin at sa mga sakramento ng
kanyang pag-ibig. Ang karanasan ni Pedro ay paalala sa atin ng
kakaibang pag-ibig na nagmumula sa Diyos.
Bakit pinili ni Hesus si
Pedro? Bakit niya tayo pinipili ngayon bilang mga kapamilya at
kaibigan niya? Kasi, para sa Panginoon, hindi mahalaga ang ating
pagkataong wasak, ang ating nakalipas, at ang ating mga pagkukulang.
Tanging ang pag-ibig lamang niya ang puwersang magpapalakas sa atin
bilang mga tunay na alagad at saksi.