DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI B



KAKAIBA SA LAHAT





Masalimuot isipin ang paghahari ni Hesus. Sabi ng ilan, hindi daw hari si Hesus dahil tinanggihan nga niya itong aminin sa harap ni Pilato. May punto naman dahil ang istilo ng buhay ni Hesus ay napakalayo sa isang naghaharing pinuno. Sabi naman ng ilan, tunay na hari at dapat patuloy na sambahin bilang hari si Hesus. Noong 2016, ang mga obispo at mga lider sa gobyerno ng Poland ay nagpasyang ideklara na si Kristo ang Hari ng kanilang bansa. Kaya, ano ba talaga ang totoo dito?



Kung pagbabatayan ang mga pagbasa, malinaw ang paghahari ng Panginoon. Sabi sa Daniel 7, ang Anak ng Tao ay naghihintay lamang na tanggapin ang kanyang “luwalhati at paghahari.” Sa Pahayag 1 ang Panginoon naman ang pinuno ng lahat ng mga hari ng mundo. At sa Mabuting Balita (Jn 18) itinatanggi ni Hesus ang taguri bilang hari subalit inaamin niyang ang kanyang kaharian ay wala sa mundong ibabaw.



Kung gayon, Hari si Hesus, ayon sa Bibliya; dapat natin itong tanggapin! Pero isang pinunong gumagamit ng kapangyarihang manupil at mang-api, magpasunod at magalit, magtamasa at mangalap ng pagsamba at parangal ng kanyang mga nasasakupan – hindi siya ganyan! Ang paghahari, kung itatambal kay Hesus, ay may ibang kahulugan at bagong kaisipan. Hari, pero hindi ng mga sistema at istruktura nating mga tao. Sabi nga niya, ang kanyang teritoryo ay hindi sa mundong ito. Ang kanyang sakop ay ang puso na tumatanggap ng kanyang pagmamahal at sumusunod sa kanyang kalooban.



Malungkot isiping maraming tao ngayon ang nag-iisip na upang maging hari si Hesus dapat paikutin ang mga tao sa pamamagitan ng sapilitang pagtuturo at pagpapakbo sa kanilang buhay. Akala nila tamang gamitin ang kanyang ngalan at pilipitin ang kanyang mga salita upang suportahan ang makamundong balak at pamamaraan na magpapatahimik sa kapwa at magpapasunod nang walang tanung-tanong.  Para sa iba, ang paghahari ni Hesus ay ang pagbalewala sa opinyon, damdamin at karapatan ng iba sa simbahan at sa bayan. Pero hindi ito ang landas ng Panginoon; hindi ito ang kanyang paraan ng pag-aaruga sa kawan.



Si Hesus ay naghahari kapang pinabayaan nating akitin ng halimuyak ng mabuting balita ang mga tao sa pamamagitan ng pagtanggap, pagmamahal, at pagka-mahabagin nitong mensahe. 

Si Hesus ay Hari kapag, tulad niya, tayo din ay nakikilakbay sa kapwa-tao at nakiki-alalay sa kanila sa mabagal na daan ng pagbabalik-loob at bagong buhay. 

Ang kanyang kapangyarihan ang siyang nagliliwanag kapag natututo tayong making, tumuklas, gumalang at manghikayat sa kapwa tao, kasama na ang mga hindi natin kasundo. 

Naghahari si Hesus sa bawat pusong nagsasabuhay ng pagtitiis, kababaang-loob at pagkabanayad sa lahat ng sandali.



Sama-sama nating tuklasin ang kaibahan ng paghahari ni Hesus sa ating puso. Habang binubuksan natin ang ating kalooban sa kanya, anyayahan din natin na kumilos siya sa atin at sa  pamamagitan natin upang dalhin ang buong mundo sa kanyang kaharian na ang teritoryo ay hindi mga lupain kundi ang malawak nating mga puso. Amen.
-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS