IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
TAMANG PANANAW SA MGA
UTOS NG DIYOS
Inaresto ng mga pulis ang ilang
manonood ng sine na hindi tumindig nang tugtugin ang pambansang awit. Batas sa
atin ang magpugay dito saanman at kailanman natin ito marinig. Dahil maging mga
batang paslit ay alam ito at sumusunod sa batas na ito, maraming nagtaka sa
inasal ng mga nabanggit ng manonood ng sine. Sabi ng ilan maaaring hindi lamang
kawalang-pakialam o kamangmangan ang dahilan; maaaring ito ay tanda ng kawalan
ng pagpapahalaga at pag-ibig sa bayang tinubuan.
Malaking ikabubuti na malaman,
matandaan at masunod ang mga batas na nagtatakda ng tamang kilos at ugnayan sa
lipunan. Subalit ang pag-ibig, higit pa sa kaalaman, ang nagtutulak sa mga tao
na maging mulat, maingat, at matapat sa mga bagay, tao, at iba pang
pagpapahalaga sa buhay. Ang mga batas, bagamat mahalaga, ay kailangang may
kapaligirang magpapatingkad ng katapatan at pagtatalaga ng sarili.
Nakahahanga ang dakilang
karunungan ng Panginoong Hesukristo nang pagdugtungin niya ang mga banal na
utos o batas at ang diwa kung saan dapat sundin at tupdin ang mga ito. Pinagtibay
ni Hesus na ang mga utos o batas ay mahalaga sa ating kaugnayan sa Diyos. Subalit
sa paglalagom niya ng mga utos sa ilalim ng bandila ng pag-ibig, binigyang-diin
din niya ang pananaw ng puso na kailangan upang mapahalagahan ang mga utos ng
Diyos.
Sa ating karanasan, kung ang isang
bagay ay inuutos lamang gawin, tila mahirap at hindi kahali-halina. Kung gusto
naman natin ang isang bagay o tao, di ba napakasarap gawin kahit anupaman na
walang pasubali.
Kung tunay na mahal natin ang Diyos,
lalo natin siyang mamahalin pang lubos. Sabi ni San Francisco de Sales, sa
pagmamahal sa Diyos kailangan lamang natin na lumakad pasulong; walang palingun-lingon.
Palagay ko, ito ang pakahulugan ng Panginoon sa hamon na mahalin ang Diyos ng
buong kaluluwa, isip at lakas. Dapat lumago lamang, kahit hindi perpekto. Walang
puwang para sa pagbagal, katamaran, at pagpapabukas.
At kung mahal nating totoo ang ating
kapwa, hindi lamang natin hihilingin ang mabuti para sa kanila. Ito ang paanyaya
ni San Francisco na gawin din natin ang anuman nasa ating kakayahan upang
tulungan ang kapwa. Ang pagmamahal sa iba ay hindi salita lamang kundi dapat
kilos din. Tunay ito at tapat kung walang pagbalewala sa pangangailang ng dukha
at walang kaplastikan sa anumang ugnayan.
Sa linggong ito, patuloy tayong
manalanging na lumago sa ating pag-ibig sa Diyos at sa mga taong inilagay niya
sa landas ng ating buhay.