IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
ANG MGA
KAHANGA-HANGANG BALO!
Ang pagninilay ngayon ay malayo
sa tema ng pelikulang “Crazy, Rich Asians.” Tungkol ito sa karukhaan at sa
isang sagisag ng paghihirap sa panahon ni Hesus – ang mga balo o biyuda. Sa mundo
ng mga kalalakihan, ang babae noon ay mababang-uri. Ang mawalan ng asawa ay
isang pagkalumpo sa lipunan. Ang maging mahirap pa ay higit na paglubog sa
kawalang pag-asa at kinabukasan. May pitak sa puso ng Diyos ang mga balo, higit
sa lahat ang mga dukha sa kanila, dahil talaga namang Diyos lang ang natitirang
sandigan.
Sa mga bihirang pagkakataon na
nag-mungkahi ang Panginoon ng mga huwaran ng kabutihan, isa sa pinili niya ang balong
babae bilang modelo ng pananampalataya. Natural, may mga balong babae noon na
mayayaman din. Subalit ang mahirap na balo ang itinanghal ng Panginoong Hesus
na tanda ng mga taong tunay na lumuluwalhati sa Diyos, na malaya sa tanikala ng
pagka-makasarili at pagka-makamundo, at na bukas-palad hanggang sa wala nang
matira para sa sarili niya.
Hindi ang pagiging balo o biyuda ang
mahalagang sangkap dito. Ang diwa ng karukhaan na nakagugulat na nagbubunga ng
matatag na tiwala sa Diyos at matapang
na pagpapaubaya sa mapagpalang kamay ng Ama ang siyang tunay na tampok. Kung tutuusin,
lahat tayo ay maaaring maging “balo” sa espiritu, tulad ng biyudang binasbasan
ni Elias sa unang pagbasa (1 Hari 17) at siya namang pinuri ng Panginoong Hesus
bilang modelo ng pananampalataya sa Ebanghelyo.
Bakit nga ba ang pinakamakabagbag-damdaming
pagbibigay at pagbabahagi ay sa mga dukha nanggagaling? Iyong matandang humingi
pa ng paumanhin sa pari dahil ang naialay lang niya sa Misa ay 2 lata ng murang
sardinas. Ang mahirap na babaeng buntis mula sa squatter, na kahit nag-aalala
sa gastos ng panganganak, ay nagawa pang magtabi ng maliit na donasyon para sa
pagawain ng kaniyang simbahan. Ang bata na unang beses pumasok sa McDo at
hinati ang burger sa gitna upang iuwi sa kapatid niyang hindi pa din nakatitikim
nito.
Ito ang napagmasdan ng Panginoon
noong araw na iyon. Hindi ang halaga ng donasyon. Hindi ang pinagmulan o background
ng nagbibigay. Nasulyapan niya ang puso ng isang taong kahit may kakaunti
lamang pero nais pa ring magbahagi dahil ito ang tamang bagay at dahil, ang Diyos
ang inaasahan niyang tagapagbigay ng gantimpalang espirituwal at ng
pangangailangang materyal.
Sa panahong ito ng matinding
paghihirap ng marami sa atin, may sapat ka bang habag upang naising kumilos,
sapat na lakas loob upang maniwalang matapat ang Diyos , at sapat na
pananampalataya na luwalhatiin ang Diyos kahit sa kaliit-liitang maibabahagi
natin sa iba?
-->