UNANG LINGGO NG ADBIYENTO K
PEKENG BALITA =
SIPHAYO;
MABUTING BALITA = PAG-ASA
Tuloy po sa mundo ng pekeng
balita (fake news)! Habang umuusad tayo sa teknolohiya at kagamitan para sa
komunikasyon, kay dami namang bagay sa paligid ngayon na nagdadala ng
kasinungalingan, panlilinlang, at kathang-isip; sa madaling salit, pekeng
balita! Kay daming pulitiko ang nakaupo ngayon dahill sa fake news; kumikita ang
mga troll nila sa tulong ng fake news; ang mga tanga naman ay nabubusog sa
kalululon ng fake news!
Isang bagay lang ang nais gawin
ng fake news at iyan ay ang maghasik ng pagkasiphayo at pagkabigo. Ikalat ang kasinungalingan
upang paglaruan ang damdamin ng mga tao. Ihasik ang takot upang magtago ang mga
tao sa halip na magsaliksik. Magbinhi ng lagim upang balutin ng dilim ang sangkalupaan.
Yamot ang Panginoon sa fake news
dahil ang itinataguyod nito ay kawalang pag-asa.
Pero, paano naman ang Mabuting
Balita (good news)? Sa ebanghelyo ngayon ang laman ay pagkawasak, kaguluhan,
pagkalito at katapusan ng panahon. Dapat ba talaga tayong magsimula ng
Adbiyento sa ganito nakakatakot na mga pangitain? Subalit, ang mga salita ng
ebanghelyo, kahit sa unang sulyap ay nakakasindak, ay hindi peke kundi tunay.
Nais lamang ng Panginoon na
ipakita sa atin ang mga pangyayaring tiyak na magaganap, mga pangyayaring hindi
natin maiiwasan bilang mga mortal sa lupang ibabaw. Dahil hanggat nasa lupa
tayo dapat nating malamang lahat ng materyal na bagay ay guguho at maglalaho. Lahat
ng bagay ay may hangganan.
Bilang mga tagasunod ni Hesus, ang
katapusan, pagkawasak, pagkalito at mga hilahil ng buhay ay hindi sapat upang
mabulid tayo sa pagkalumpo ng ating damdamin at kaisipan. Sa halip, ang mga ito
ay mitsa sa lalong umiigting na pag-asa. Kung babasahin mo uli ang ebanghelyo
ngayon, pansinin mo na ang mga kagimbal-gimbal na balita ay panimula pa lang sa
lalong magagandang bagay na magaganap. “Tumingala; itaas ang iyong ulo. Ang kaligtasan
ay narito na!”
Ang pag-asang ito sa gitna ng mga
pagsubok ay darating sa pamamagitan ng panalangin at higit na tiwala sa
pagmamahal ni Hesus.
Sa pekeng balita, nalulugmok tayo
sa siphayo; sa mabuting balita naman bumubukas sa atin ang pinto ng pag-asa.
Narito ang ilang mga salita mula
sa kaban ng mga santo na makatutulong upang lupigin ang tukso ng siphayo sa
kapangyarihan ng pananampalataya at pag-asa sa Panginoon.
Padre Pio: Manalangin, umasa at huwag mag-alala. Ang pag-aalala ay
walang silbi. Mahabagin ang Diyos at diringgin niya ang iyong panalangin.
Santa Teresa ng Avila: Huwag kang mabahala; huwag kang matakot;
lahat ng ito ay lilipas din subalit ang Diyos ay hindi magbabago. Sa pagtitiis,
makakamtan ang lahat; kung taglay ang Diyos walang magiging kulang sa buhay; ang
Diyos lamang ay sapat na para sa atin.