HOLY TUESDAY: Virus ng Kayabangan
Maaaring tunay na mahal ni Pedro ang Panginoon. Kaya nasabi
niyang ibubuwis niya ang sariling buhay para kay Hesus. Pero napatunayan bang
totoo ito? Tulad ng prediksyon ng Panginoon, tatlong beses pa ngang itinanggi
ni Pedro na kilala niya si Hesus dahil sa takot na masangkot sa pinagdadaanan
nitong paghihirap. Lumilitaw na nagmamalaki lamang si Pedro, nagpapalapad ng
papel, nagsasalita udyok ng kahambugan at hindi ng katapatan. Bakit ba tayo
kailangang magpakitang gilas, magpa-bibo sa harap ng mga tao? Bakit ba tayo
takot na aminin ang ating kahinaan at pagkukulang? Bakit ba kailangang magmukha
tayong bida lagi o nangunguna? Ang daming nasirang pagsasama dahil sa ganitong
ugali. Ang daming nawasak na tiwala dahil sa ganitong gawi. Hindi ba mas mabuti
kung magiging makatotohanan tayo, tanggapin ang ating kalakasan pero aminin din
ang ating mga kahinaan, upang mas lalo tayong makatulong sa kapwa, at
matulungan din nila?
Panginoon, hilumin mo po ang virus ng kayabangan sa aking
puso at isipan. Bigyan mo po ako ng makatotohanang pagkilatis sa aking sarili
upang maialay ko ang aking lakas at talento, at aminin at ihingi ng tulong ang aking
kahinaan at limitasyon sa buhay.
#ourparishpriest 2020