IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY A
PAANO BA TUMUGON?
Sa nakaraang Linggo, ang unang
pagbasa (Gawa 2) ay nagsaad ng tinatawag na kerygma – ang unang pagbubunyag –
ng mga apostol, lalo na ni San Pedro, ang puno at tagapagsalita ng Labindalawa.
Simple at maigsi lang ang kerygma:
“Muling nabuhay si Hesus mula sa kamatayan!”
“Ang pag-ibig ng Diyos ay dumaloy
sa atin sa Krus niya at Pagkabuhay!”
“Mahal ka ng Diyos sa pamamagitan
ng kanyang Anak na si Hesus!”
Kailangan natin itong marinig
paulit-ulit, lalo na habang bumabangon muli sa ligalig ng epidemya, ng mga
problema at anumang bumabagabag sa ating puso at isip ngayon.
Kahit simple at walang palamuti, ang
mensahe ng unang pagbubunyag ay sariwa, makapangyarihan at nakahihikayat. Kay ganda
kaya ng ngiti ng tao kapag narinig niya ang salitang “Pagpalain ka ng Diyos!” o
“Mahal ka ng Diyos!”
Palaging winawakasan ni St.
Mother Teresa ang mga liham niya sa isang simpleng “God bless you” kasi ayon sa
kanya lahat ay kailangan ng blessing; lahat ay natutuwa sa blessing. Bakit
hindi natin ugaliin gawin din ito sa bawat sulat, message o text natin? Kaylaking
kaibahan ang dulot sa araw ng isang taong nakaramdam ng simpleng paalala ng
pagmamahal at pag-asa!
Ang unang pagbasa ngayon ay
pagpapatuloy noong isang linggo (Gawa 2:14a, 36-41). Ipinapahayag ni Pedro si
Hesus bilang Panginoon at Kristo. Ano ba ang kahulugan nito? Para sa mga unang
Kristiyano, ang “Panginoon” ang ibig sabihin ay “nagtagumpay sa kamatayan.” Tanging
ang Ama lamang ang tinatawag na Panginoon sa Israel, pero ngayon si Hesus mismo
ay Panginoon tulad at kasama ng Ama!
At ang Kristo naman ay
nangangahulugan ng Mesiyas, ang Hinirang, ang Tagapagligtas – hindi sa pamamagitan
ng pulitika o paghaharing makamundo – kundi mas malalim pa: Tagapagligtas sa kasalanan
at kamatayan!
Kahit na ang unang pagpapahayag na
ito ay simple, malalim pala ang pagbating ito at hindi simpleng blessing lang sa
nakakatanggap. Sa katunayan, ito ay isang hamon, paanyaya, pambubulabog!
Tinatawag tayong tumugon sa mga
salitang ito na bukas-puso at handang tanggapin si Hesus bilang Panginoon at
Tagapagligtas; handa dapat tayong isuko ang susi ng ating pagsunod, pagmamahal
at katapatan sa kanya.
“Magsisi at magpabinyag.” – ito ang
hamon ng Pagkabuhay ni Hesus. Upang tumanggap tayo ng bagong buhay,
kapatawaran, at pagbubuhos ng Espiritu Santo sa ating kaluluwa… at pagkatapos
ay lisanin ang dating likong pamumuhay at magpabinyag. E di ba nabinyagan na tayo
noon pa? Kaso, alam ba natin ang kahulugan ng ating binyag, ng pagiging
Kristiyano, ng pagiging tagasunod ni Kristo?
Sa Mabuting Balita ngayon, si
Hesus ay tinatawag na “pintuan.” Para maligtas, hind sapat tumayo sa labas at
sumilip sa loob; hindi tamang tumayo at maghintay sa labas; dapat pumasok at
makisalo sa kanyang mga pangako at kapangyarihan. Ibig sabihin, kailangang lumago, lumalim ang ating
pakikipag-ugnayan sa Panginoon at ang ating pagmamahal at mabuting
pagkiki-ugnay sa kapwa tao.
Nakakalungkot isipin na noong
lockdown, kaydaming mga Kristiyanong naturingan ang nakiuna sa panic buying, sa
fake news, sa korupsyon ng relief goods, sa diskriminasyon ng mga maysakit at
mga frontliners, sa pagpapatong ng presyo…at iba pang katakawan at kasuklaman.
Ito ba ang tamang tugon kay
Kristo? Ito ba ang pagsang-ayon sa kanyang paanyaya? Ito ba ang pakikibahagi at
pagbabahagi ng blessing sa kapwa?
Hilingin natin sa Panginoon na magkaroon
tayo ng paninindigang mahal nga tayo ng Diyos sa kanyang Pagkamatay at
Pagkabuhay. Higit pa, hingin natin ang biyaya na ibigay sa kanya ang ating puso
upang magbago tayo at maging mga tunay na anak ng Kaharian.