IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B
HINDI NA SIYA PATAY!
Hindi pa ako nakakakita ng isang tunay na ketongin.
Sa Bible ko lang ito nababasa. At noong Kapaskuhan, napanood ko ang pelikulang
Molokai, ang buhay ni Blessed Damien de Veuster, ang paring naging ketongin
dahil sa kanyang pagmamahal sa mga ketongin.
Sa Mabuting Balita (Mk 1:40-45), masasabi natin na
mahirap maging ketongin dahil para kang isang nabubuhay na patay. Ang ketongin ay unti-unting namamatay
sa pisikal na anyo. Isipin na lang kung paano ang katawan ay naaagnas, ang
laman ay kinakain ng virus habang buhay ka pa. malungkot tiyak dahil tingnan pa
lang ang katawan mo ay tila wala nang pag-asa. Alam mong mamamatay ka na,
malapit na. walang lusot sa nag-aabang na kamatayan.
Pero ang ketongin ay patay na din sa mata ng
lipunan. Kinatatakutan ang ketongin dahil baka makahawa. Kaya itinatapon siya
papalayo, inihihiwalay sa iba, kasi baka mapanganib ang sakit niya. Tila ito
ikalawang kamatayan para sa ketongin. Nakalimutan na siya, tinalikuran na siya,
isinantabi na lamang ng kapwa.
Nang pagalingin siya ng Panginoon, tinanggal hindi
lamang ang kanyang karamdaman. Binigyan pa siya ng bagong pag-asa, bagong
pagkakataon, bagong simula! Hindi na
siya patay dahil magaling na ang kanyang katawan. Hindi na siya patay dahil
kaugnay na siya ng kanyang pamilya at mga kaibigan.
Minsan ba, pakiramdam mong para kang ketongin na
iniiwasan ng iba dahil sa iyong kahirapan, sa iyong karamdaman, sa iyong
pagkakamali at kasalanan? Tandaan mo, iba ang Panginoong Hesus natin! Narito
siya upang alisin ang pagkapahiya natin sa ating sarili. Narito siya upang
alisin ang ating pagkakahiwalay sa ibang tao. Kapag nasa puso natin si Hesus, laging
may kagalakan at bagong buhay.
Gayahin mo ang ketonging ito. Tumawag sa Panginoong
Hesus at tumanggap ng biyaya ng bagong buhay!