IKA-APAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B
BANAL NA KAPANGYARIHAN
Ilang araw matapos ang pagdalaw ni Pope Francis,
marami pa rin ang tulala sa lakas ng kanyang pagkatao, ng kanyang karisma at ng
kanyang kapangyarihan. Pero hindi kapangyarihang sumusupil o nakatapak sa iba,
kundi kapangyarihang bumubukal sa ngiti, kabaitan, malasakit at tunay na
pagmamahal ng isang simpleng alagad ng Diyos.
Kung ang kapangyarihan ng Santo Papa ay naka-antig
sa puso ng milyun-milyon, paano pa kaya ang kapangyarihan ng nais na ipakilala
at dalhin sa atin ng Santo Papa, ang Diyos at taong si Hesus, na nais niyang
lalo nating makilala sa ating buhay?
Si Hesus ay may kapangyarihan sa kanyang mga salita.
Narito ang isang taong nangungusap mula sa ibang level, hindi tulad ng mga
eskriba, sabi sa ebanghelyo. Hindi siya nanghihiram ng salita lamang sa
tradisyon o pakahulugan ng iba. Si
Hesus ay nagsasalita mula sa kanyang sariling patotoo at ito ay nakaliliwanag
at nakakabighani sa iba.
Si Hesus ay may kapangyarihan laban sa masasamang
espiritu. Sa harap niya, nanginginig ang
mga ito. Delikado para sa
kanila, nalupig na sila sa harapan ng Anak ng Diyos. habang pinalalaya
ni Hesus ang isang taong pinahihirapan ng masamang espiritu, nagulat at nagtaka
ang mga tao. Sino ito? Tanong nila. Pati ang masasamang espiritu ay sumusunod
sa kanya.
Kailangan natin ang kapangyarihan ni Hesus ngayon
upang harapin ang mga hamon ng buhay. Kailangan natin ang kanyang salita upang buksan ang ating
puso sa liwanag, sa katotothanan, sa direksyon na nais ng Diyos na tahakin
natin. Ipanalangin natin na mapuno tayo ng tamang aral ni Hesus upang makita
natin ang tamang landas patungo sa kanya.
Kailangan din nating ang kapangyarihan ni Hesus
laban sa mga espiritu. Maraming
espiritung nakapalibot sa atin.
Hilingin natin kay Hesus na puksain ang lahat ng mali at masama sa atin.
Hingin natin na patalsikin ang kasamaan ng galit at paghihiganti, ng walang
pakialam at pagkakahati-hati, ng pagkamasarili at katakawan. Manahan nawa sa atin ang Espiritu
ng salitang nagmumula sa Panginoong Hesukristo!