IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - B
ANG TAMANG SALITA
Hindi lahat ng salita ay nakakatulong. Tama bang mag-joke ka
kapag nasa harap ka ng isang namatayan?
Ok bang magkuwento ng nakakatakot sa isang birthday party? Dapat bang
mag-ingay kapag nagdarasal ang buong pamilya?
Isipin natin ang mga pagkakataong ang ating mga salita ay
nakasakit, nakahadlang, o nakadagdag sa kaguluhan at pagkalito sa paligid. Subalit ang Diyos, alam niya ang tamang
salita para sa tamang pagkakataon.
Nang malapit nang “maubusan ng oras” ang mga taga nineveh
dahil sa kanilang kasamaan, ginawa ng Diyos ang isang kahanga-hangang bagay:
isinugo si Jonas upang ipahayag ang pagsisisi at pagbabalik-loob. Nang panahon na upang simulan ang
pagliligtas ng daigdig, dumating si Hesus upang ipahayag ang Mabuting Balita ng
Diyos sa lahat. Tumawag din siya ng iba pang makakasama niya sa pagpapahayag ng
salita ng kaligtasan, bilang mangingisda ng mga tao.
Ganyan ang salita ng Diyos. Lapat at nararapat sa
pangangailangan ng bawat tao. Kaya nga ang salita ng Diyos ay makapangyarihan
at tumatalab, lalo na kung pababayaan natin itong mag-ugat sa ating puso. Tulad
ng unang mga alagad, inaanyayahan tayo ng Panginoon na samahan siya upang
magpahayag ng salitang hinihintay ng lahat – ang salitang nagbibigay buhay.
Bilang isang Katoliko, damputin natin ang ating Bibliya
araw-araw. Basahin natin ito. Isapuso natin ito. Gamitin natin ito sa paraang
makatutulong sa atin at sa mga tao sa paligid natin. Mahalin ang Salita ng Diyos. Mahalin ang Bibliya – ang
nasusulat na Salita ng Diyos. Mahalin si Hesus – ang Buhay na Salita ng Diyos.