IKA-6 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B
-->
MGA PATAPON
Ano ang pagkakatulad natin sa mga
tao sa panahon ng Bibliya? Siguro, isa na dito ang pagpapahalaga sa kalinisan
at makinis na kutis! Sa unang pagbasa (Lev 13) makikita ang pamantayang dapat
sundin sa lipunan ng mga tinaguriang ketongin. Kung tutuusin, hindi natin alam
kung ang sinasabing ketong sa Bibliya ay katumbas ng sakit na kilala natin sa
modernong panahon.
Ayon sa mga eksperto, maselan sa
kutis ang mga Hudyo kaya malaking bagay sa kanila ang sakit sa balat. Kaya
bagamat ang tawag sa Bibliya ay “ketong,” maaarig ito ay iba’t-ibang uri ng
allergy, sugat o butlig na pinagsama-sama sa iisang tawag. Buti pa ngayon at
maraming doktor na kumikilatis ng taghiyawat at pigsa, ng butlig at bulutong!
Ang mga taong may ketong ay
itinuturing na “hindi banal” at tinatrato bilang mga patapon, taga-labas at
hindi kanais-nais kaya dapat nilang lisanin ang mga pamilya at kaibigan na
tumatanggi na kanila. Hindi sila kinamumuhian tulad ng mga kaaway. Mas malala
pa doon, hindi sila minamahal tulad ng isang tunay na tao. Nakakalungkot na
naganap ito sa isang panahong lublob sa relihiyon at pananampalataya.
Bakit kaya dala-dala pa rin natin
sa simbahan ang lumang kaisipang ito ng bibliya? Dahil ang hanap natin ay
kabanalan at kaganapan, maging ngayon, itinataboy natin ang mga taong hindi
nakakapantay sa ating inaasahan, mga taong dumudungis sa ating pangalan, at mga
taong nagdadala ng kahihiyan sa ating grupo o pamayanan.
Hindi ba kayraming mga ketongin
sa ating mga simbahan ngayon?: mga taong hindi maayos ang buhay-kasal, mga
nagsasama na walang sakramento, mga hindi katatanggap-tanggap ang sekswalidad,
mga hindi makaabot sa standard natin, mga namumuhay sa gilid-gilid dahil
mahirap, mangmang o may kapansanan. Isang dahilan ito kung bakit marami ang
umaalis sa simbahan o tumatalikod sa Diyos.
Para sa Panginoong Hesus, ang
banal ay hindi naghihiwalay kundi nag-uugnay, lalo na sa mga itinuturing na mga
madudumi at mga makasalanan. Ito ang dahilan kaya naparito si Hesus upang
maging tao. Nais niyang sabihin sa atin na ang kaluwalhatian ng Diyos ay hindi
matatagpuan sa langit sa itaas. Ang kabanalan ng Diyos ay isinasabuhay kaugnay
ng mga tao sa mundo. Ang pagiging Kristiyano natin ang nagtutulak sa atin na
salubungin at yakapin ang lahat ng mga anak ng Diyos sa pamilya ng Kaharian ng
Ama.