IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA B

-->
PANAHON NG MGA REGALO





Anong gagawin mo kung ang matagal mo nang inaasam na regalo ay mapasaiyo na? Siguro, aariin mo itong isang kayamanan higit sa lahat ng bagay, aalagaan nang matiyaga, at sisikaping maipamana sa mga minamahal sa buhay.



Sa Lumang Tipan, wala nang higit pang nakaunawa ng kahulugan ng regalo tulad ni Abraham. Sa tagal ng paghihintay, sa wakas nagkaanak din silang mag-asawa sa katauhan ni Isaac – at ito ay kahit matanda na sila ni Sara. Si Isaac ang katuparan ng mga pangarap ni Abraham na salinlahi at pamana, mga pangako na Diyos mismo ang nagbitiw sa kanya.



Subalit alam ni Abraham kung paano kilalanin ang regalo. Natural na minsan siguro nais niyang ituring anak bilang kanyang eksklusibong pag-aari. Nais niya itong pangalagaan at tulungan. Marami siyang plano para sa kanya. Ngunit nang kabigla-biglang hiningi ng Diyos na ialay bilang sakripisyo ang bata, pinigil ni Abraham na ipagdamot ang anak. Buong laya, kahit masakit, inialay niya ang anak bilang regalo din sa Diyos. Tinanggap bilang regalo, ibinabalik bilang regalo din.



Sinusubok lamang pala ng Panginoon ang katapatan at pagkamasunurin ni Abraham. Sa pagsasauli niya ng regalong-anak, isinauli din niya ang kanyang pagka-ama, ang kanyang mga pangarap, ang kanyang mga balak. Masakit kaya iyon! Pero, nakita ni Abraham na ang Tagapagbigay ng regalo ay higit sa regalo, at nagtiwala siya kahit hindi niya nauunawaan lahat ang hinihingi ng Diyos sa kanya.



Si Isaac ay sagisag ni Hesus. Anak ng Diyos, siya ang pinakamataas na regalo para sa mundo. Si Hesus din, ay hindi nagdamot ng kanyang buhay. Hindi niya pinamayani ang sariling udyok sa kanyang kinabukasan. Sa halip, malaya niyang inialay lahat sa krus, bilang regalo sa Ama at Tagapagligtas ng kanyang mga kapatid na makasalanan. Tulad ni Abraham, hindi kumapit si Hesus sa anuman, kahit sa sariling kagustuhan at buhay, kundi isinuko ang lahat sa ngalan ng pagmamahal.



Ngayong Kuwaresma, makatutulong na silipin muli kung ano sa ating buhay ang nagiging sanhi ng pagiging nakagapos, nakatali, at hindi malaya. Materyal na bagay ba? O dangal at papuri ng iba? O hindi kaaya-ayang ugali at asal sa kapwa? Tinuturuan tayo ni Abraham na kilalanin lahat bilang regalo at dahil dito maging malaya din sa pagsusuko at pag-aalay ng mga ito sa Diyos na nagbibigay ng lahat ng mabubuting bagay.

 


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS