IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA B
-->
KAYA MO BA ANG SAMPU?
Ano ba’ng mapapala natin sa 10
Utos? Para sa marami, mga batas lang ito na dapat isaulo sa Catholic school,
mga display o karatula sa labas ng simbahan, o di kaya isang magarang lumang
pelikula noong 1950’s. Bihirang ipaliwanag ito sa sermon. Hindi rin naman natin
ito pinag-aaralan sa sarili natin. Kung tutuusin, hindi ba ginawa na lamang ni
Hesus na 2 ang 10 utos ng Diyos?
Ipinagkaloob
ng Diyos ang mga utos niya sa kanyang bayan para sa isang mabuting pakay. Hindi
ito mula sa kapritsyo lamang ng isang mapaglarong Diyos. Hindi rin sila mga
instrumento ng paghihigpit at kontrol sa kilos at isip ng kanyang bayang
Israel.
Dapat
alalahanin na ang mga utos na ito ang taluktok ng karanasan ng mga tao ng
kanilang paglaya at kaligtasan, ng kanilang pagkakilala at pakikipag-ugnayan sa
Diyos. Ganito nais ng Diyos na kumilos ang mga tao upang mapangalagaan ang
kanilang bagong buhay. Ganito rin naman nais ng mga tao na tumugon sa Panginoon
na may pasasalamat at katapatan sa kanilang Tagapagligtas at Tagatubos.
Subalit
mayroon ba talagang nakakayang isabuhay lahat ng utos na ito? Kahit sa ating
buhay, inaamin nating bagamat hindi tayo nahuhulog sa seryosong kasalanan ng
pagpatay o pakikiapid, nagagawa naman nating magsinungaling, at magnasa at
makalimot na magsimba tuwing araw ng Linggo o pamamahinga. Sa pagpunta natin sa
Kumpisa, hindi ba’t iniisa-isa natin ang mga utos upang malaman kung ano ang
ating mga pagkukulang?
Nang ipinamana
ng Diyos ang kanyang mga utos, palagay ko hindi naman niya inisip na hindi
mababali ng kanyang mga anak ang alinman sa mga ito. Hindi hinihingi ng
Panginoon na 100 porsyento ng mga detalye ng kanyang mga utos ang masusunod.
Ang Diyos ay hindi pumipili ng pinakamalakas, pinakamatatag, at pinakaganap na
tagasunod niya. Tayong lahat ang kanyang tinatawag, kahit alam niya ang ating
kahinaan at pagkakamali. Sa kabila nito, patuloy niya tayong hinahamon na gawin
ang lahat upang maganap ang kanyang kalooban dahil alam niyang kaya natin itong
gampanan sa tulong ng kababaang-loob at pananampalataya.
Si Hesus ang
kaganapan ng mga batas at utos ng Diyos. Sa kanyang buhay, binigyang halimbawa
ng Panginoon ang sukdol na pagsasabuhay ng mga utos. Subalit ipinaliwanag din
niyang sa pagganap nito, kailangang may gumagabay na diwa, na walang iba kundi
ang pag-ibig. Hindi kataka-taka na nang gawin niyang simple ang paliwanag sa
batas, sinabi ng Panginoon na ang puno’t dulo ay pag-ibig sa Diyos at sa kapwa
tao.
Maaaring
maramdaman nating tila napakahirap tupdin ang 10 utos. Marami sa atin ang
nagsusumikap lamang sa gitna ng kahinaan at paulit-ulit na kasalanan. Ngayong
Kuwaresma, binabalikan natin ang mga utos upang maalalang tayo ay para sa Diyos
at mahal niya tayo. Sa paghahanda natin sa Kumpisal, hilingin natin lagi kay
Hesus na punuin ang ating mga puso ng pag-ibig upang mapagtagumpayan nating
isabuhay ang mga utos ng Diyos, dala ng pag-ibig at hindi ng takot o obligasyon
lamang.