IKA-APAT NA LINGGO, A/ PAGHAHAIN SA TEMPLO KAY HESUS



NASAAN NA NGA BA ANG TEMPLO NIYA?



Itong Linggong ito ay kakaiba. Dapat nasa ika-4 na Linggo tayo ng Karaniwang Panahon, matapos ang Pasko, pero sa halip na pagnilayan ang mga pagbasa sa karaniwang panahon, eto at pinagdarasalan natin ang mga pagbasa ng isang natatanging Pista na naman.



Pista ngayong ng Paghahain sa Sanggol na Hesus sa Templo – si San Jose at ang Mahal na Birhen ay nag-alay ng Banal na Sanggol sa Diyos ayon sa itinakda ng batas para sa mga panganay na lalaki.

-               Pamasko ang tema kahit tapos na ang Pasko

-               Tila hindi tayo maka-move on sa diwa ng Pasko at epekto nito sa ating buhay.



Pagtuunan nga po natin ng pansin ulit ang unang pagbasa mula kay Propeta Malakias 3. Ito ang huling aklat ng Lumang Tipan sa mga Bible ng mga Protestante at isa sa huling mga aklat ng Lumang Tipan para sa ating mga Katoliko (dahil meron pa tayong 1 at 2 Macabeo).



Si Malakias ay propetang nangaral tungkol sa Templo ng Panginoon.

-               Di ba lagi nating naririnig itong Templo

-               Alam nating simbolo ito ng presensya ng Diyos sa gitna ng kanyang bayang Israel.

-               Ang Templo, para sa mga Hudyo, ang luklukan ng Diyos na Hari.

Mapalad ang mga Israelita dahil nabiyayaan silang may Templo sa gitna nila.

- nagniningning sa luwalhati ng Diyos

- puno ng kapangyarihan ng Panginoon

- bukal ng lakas at katatagan ng bawat isa

Sa kabila ng lahat, ang binalewala ng mga Israelita ang kahulugan ng Templo.

-               Hindi nila tunay na minahal ang Diyos

-               Naghanap pa sila ng ibang mga diyos na pagtitiwalaan.

-               Naging mababaw ang pananampalataya nila sa Diyos ng Templo

-               Ang templo ay naging isa lamang piping saksi sa nauupos na pananalig ng mga tao

Sa Ezekiel 11: 23, nakakalungkot ang tagpong binabanggit doon.

-               Ang “luwalhati ng Panginoon,” na laging namamayani sa Templo, ay umangat at lumipad mula sa siyudad

-               Lumipat ito sa katabing bundok, palayo sa Templo at sa mga tao… at bumalik sa langit

-               Mula noon, wala nang nabanggit na kaningningan, kaliwanagan at luwalhati ng Panginoon na lumitaw pa sa Israel.

Hanggang dumating nga, isang araw ang Panginoong Hesus sa eksena. Sa kanyang pagsilang, nakita ng mga pastol ang “luwalhati” ng Diyos sa kalangitan, at ginabayan ng maningning na tala naman ang mga Pantas. Nagbalik na ang Diyos sa piling ng kanyang bayan – sa pamamagitan ng kanyang Bugtong na Anak, na si Hesukritong Panginoon natin.



Ang pista ngayon, ang Paghahain sa Sanggol sa Templo, ay tahimik, mapagkumbaba, at hindi napapansing pagbabalik ng Diyos sa gitna ng mga taong minamahal niya.



Pero dumating siyang isang sanggol kaya walang pumansin.



Dumating siyang mahirap kaya hindi iginalang.



Naging maliit at mahina tulad ng mga taong kanyang paglilingkuran, mamahalin at yayakapin.



Sa kanyang pangangaral, babanggitin lagi ni Hesus ang Templo.



Pero hind na ang gusali… kundi ang kanyang Katawan bilang bagong Templo, na kahit masira pa ay babangon muli sa ikatlong araw.



At dahil tayo ngayon ang kanyang Katawan, tayo na rin ang buhay na Templo sa mundong ito.



At pinalawak pa ito ni San Pablo nang sabihin niyang ang katawan ng bawat tao ngayon ang Templo ng Espiritu Santo!



Kay daming nais magpunta sa Jerusalem para makita ang dating lugar ng Templo.



Pero ang nakikita lang naman doon ay mga pira-pirasong guho ng dating templo (at sa itaas pa nga nito ay nandun ang isang moske ng mga Muslim).



Ang Espiritu ng Diyos ay wala na sa pisikal na gusali.



Ang Espiritu niya ay nasa simbahang sanay magmahal, maglingkod, magpatawad, at mangyakap ng nalulumbay.



Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa bawat pusong naghahangad sumunod sa kalooban ng Diyos sa munting mga bagay sa bawat araw.



At tandaan mo, ikaw ang bagong Templo ngayon!



Hayaan mong magningning sa iyo ang luwalhati ng Diyos – sa iyong ngiti, kabutihan, pagtulong, pasensya, tahimik na pagiging tagasunod ni Kristo saan ka man naroroon bawat araw!


Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS