DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI A

 

SA KANLUNGAN NG ATING HARI

 


image from the internet

 

Ngayon ay dakila at maligayang araw, katapusan ng kalendaryo ng simbahan, buod ng pananampalataya – si Hesukristo ang hari ng sansinukob, ng buong mundo, ng mga bansa, Hari ng ating mga puso! Lahat ay nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan.

 

Sa unang pagbasa nakikita natin hindi haring nakaupo sa trono o nasa gitna ng digmaan. Sabi ni Ezekiel ang tunay na hari sa pananaw ng Diyos ay kakaiba.

 

Ang hari ay isang tunay na pastol na may pagkabanayad at habag para sa kawan. Sa gitna ng dilim, hinahanap niya ang naliligaw. Ang nawawalay naman ay matiyagang pinababalik sa kawan.

 

Ginagamot ang nasusugatan; ang maysakit ay pinagagaling. Ang mga malalakas naman ay itinutuwid at tinuturuan na sumunod nang tama.

 

Sa pananaw ng Diyos, ang tunay na hari ay iyong alam kung paano maawa sa mga tao. Siya ang haring pakikinggan at ang haring susundan ng mga tao nang malaya at kusa.

 

Sinimulan natin ang taong ito na puno ng mga pagsubok na nagdulot ng sakit at hirap sa marami. Nariyan ang pagsabog ng bulkan na nagpahirap sa mga pamayanan at kabuhayan at kalikasan.

 

Sumunod naman ang pandemya ng covid na kumuha ng maraming buhay at nagdulot ng karamdaman sa buong mundo. Nahinto ang ating mga gawain at nasanay tayo ngayon sa “new normal.”

 

At kung di pa sapat, patapos na ang taon ay isa-isang dumarating ang malalakas na bagyo na nagdudulot ng baha, pagkasira at pagkamatay.

 

Ngayong taon, bilang kawan ng Diyos, bilang bayan ng Diyos, tila ang daming pagsubok di ba? Marami ang nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Marami ang nawalan ng tiwala sa gobyerno. Marami ang nasiphayos sa ugali ng mga tao at sa mga sistemang hindi kumikilos.

 

Kaya sa taong ito yata, usapan ang mental health. Ang daming nayanig sa puso at isip at nagkaroon ng depression.

 

Bilang mga Kristiyano, lumalapit tayo sa Panginoong Hesus, ang ating pastol at ating hari. Sa gitna ng kalamidad sa kalikasan o sa lipunan, sa kanya tayo unang humihingi ng tulong, paggabay, pang-unawa at kapayapaan.

 

Kahit sa taong ito, kung kelan ang mga simbahan ay nasarado, ang Panginoon ay patuloy na lumapit sa atin sa pamamagitan ng ating tahimik na panalangin, ng panalangin sa pag-iisa, ng mga Misa at debosyon sa social media, ng mga pagbasa mula sa Salita ng Diyos na nagpapalakas at nagpapatibay sa atin.

 

Habang nararanasan natin ang pagmamahal at awa ng ating Hari para sa ating sarili at sa ating mga minamahal, natututo tayong magmahal din tulad niya, lalo na sa mga mas higit na kapos, mas higit na nangangailangan at sa mga dapat at kaya naman nating tulungan.

 

Sa kapistahang ito ng Kristong Hari, pasalamatan natin siya na nakakayanan pa natin, dahil siya ang ating takbuhan, at siya ang kanlungan ng ating pusong pagod. Hingin natin ang kanyang pagpapala at ang lakas ng loob na harapin anumang darating pa na laging handang magbahagi ng pagmamahal at awa sa lahat ng nakapaligid sa atin.

 

Viva Cristo Rey! Mabuhay ang Kristong Hari!

 

 

Paki-share sa kaibigan…

 

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS