IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
ANG KAHAHANTUNGAN AY PAGMAMAHAL
image from the internet
Ang pagbasa ngayon mula sa Kawikaan 31 ay isang parangal sa kahanga-hangang babae.
Ulirang asawa, huwarang ina. Ipinagmamalaki ng asawa at galak ng mga anak niya.
Kung kaaya-aya ang situwasyon, ang mabuting babae ay buong pagmamahal na nag-aalaga ng tahanan. Maingat niyang ginagamit ang bigay ng asawa. Lahat ng pangangailangan ng pamilya ay tinitiyak na maayos at naibibigay niya.
Palawakin pa natin ang ating imahinasyon….
Kung di naman maayos ang kaganapan sa buhay, nagiging malikhain ang mabuting babae. Ginagawa ang lahat para mapagkasya kung ano ang naroroon.
Hind nagsasayang ng oras sa pagrereklamo o sa pag-iyak. Nagpapakita siya ng pakikibagay sa anumang situwasyon alang-alang sa kanyang mga minamahal.
Kung kailangang magtrabaho tulad ng asawa, gagawin niya ito kahit pa tumuntong sa labas ng bahay at maghanap-buhay sa unang pagkakataon.
Nakakalugod ng pusong isipin na ang Bible mismo ay may parangal sa mga ganitong babae. Sigurado akong tayo man ay may kilalang mga babaeng ganito sa ating buhay. Ang paglalarawan ay makatotohanan; ang parangal ay talagang napapanahon!
Ano ang sikreto ng mabuting babae – asawa at ina, asawa pero hindi ina, single mom, o walang asawa? Ano ang sangkap ng kanyang tagumpay? Paano siya panatag sa mabuting panahon at matiyaga naman sa mahirap na oras ng buhay?
Palagay ko ito ay ang pagsisikap na maging tapat dahil sa pagmamahal; hindi lang iyong pakiramdam na nagmamahal kundi yung pasyang magmahal na higit pa sa pakiramdam lang… para sa mga taong nakapaligid sa kanila.
Ang Mabuting Balita (Mt 25) ay naglalarawan ng 2 uri ng alipin ng isang panginoon – may matapat (sa iba’t-ibang paraan) at may hindi tapat. Kapwa sila pinagtiwalaan ng kanilang amo.
Kapwa sila tumanggap ng pagmamahal. Subalit ang mga matapat lamang ang tunay na nagbalik ng pagmamahal sa panginoon nila sa pamamagitan ng pagpapayabong sa ibinigay sa kanilang talent. Ang aliping hindi matapat ay pinagtiwalaan at minahal subalit hindi nagsukli ng pagmamahal.
Sa huli, ang mensahe ng mga pagbasa natin ay hindi lang tungkol sa mabuting babae o matapat na alipin. Ang mensahe ay patungkol sa ating lahat na ang pag-ibig ngayon ay hinahamon ng Panginoon.
Mahal mo din ba ang Diyos na kaya mong manatiling tapat sa kanya? Isang taon, isang mapait na taon, ang malapit nang matapos. Matapat at maawain ang pagmamahal ng Diyos. Paano kaya tayo magpapasalamat? Paano kaya natin sususklian ang kanyang pagmamahal sa atin?
(paki-share sa kaibigan…)
Comments