UNANG LINGGO NG ADBIYENTO B

 


BULAGA!

 


 

 

Nabubulaga ka pa ba? Siyempre paborito natin ang mga sorpresa pero sa panahon natin tila mas madaling ma-predict kung ano ang magaganap.

 

Kaya minsan nagkukunwari tayong nagulat at nagulantang kahit sa totoo ay alam na natin ang paparating pa lang.

 

Ngayon, ang inaasahan ay nagaganap kung kelan at kung anong paraan natin naisin… madaling mag-manipula ng mga bagay at maging ng oras sa panahon natin ngayon.

 

Halos nakini-kinita na natin ang mangyayari dahil nga sa tulong ng teknolohiya, ng social media at ng mga apps sa ating kompyuter or phone.

 

Hanggang, bigla tayong nabubulaga ng mga bagay na hindi pala natin kayang kontrolin. Tulad na lamang ng mga surpresa ng taong 2020!

 

Sino ang mag-iisip na biglang mag-aalburoto ang payapa at napakagandang Taal sa pamamagitan ng apoy, usok at abo?

 

Sino ang makapagsasabi na isang katiting na virus ang lulumpo sa lipunan at makapagbabago ng kalakaran ng buhay sa mundo?

 

Sino ba ang nakaalam na mag-uunahan pang dumalaw ang mga super typhoon bago mag-Pasko?

 

Totoo ang surpresa nang nabantad na tayo sa laganap na karamdaman, kamatayan at pagkawasak sa kapaligiran…

 

Nakalilito talagang makita na maging ang siyensya ay walang mailabas na sagot at ang teknolohiya din ay natulala sa bilis ng mga pangyayari.

 

Ganito natin palagay ko dapat unawain ang Mabuting Balita ngayon (Mk 13:33-37) – “Mag-ingat kayo! Maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari.”

 

Hindi natin laging lubos na maaasahan ang mga bagay na akala natin ay matatag – salapi, kapangyarihan, kalusugan, mga koneksyon at maging mga ugnayan.

 

May mga nagaganap sa isang iglap, pagbabagong hindi inaasahan, pangyayaring kaydaling makalumpo o makapagpahinto sa ating buhay… walang babala, walang paghahanda.

 

Kapag sinabi ng Mabuting Balita sa atin na maging handa at maging maingat, ito ay payo upang maging mulat na malapit sa atin ang Panginoon, na siya ay higit sa anumang pagsubok, na siya ang pinakamaaasahang Ama at pinakamatapat na Kaibigan.

 

Sa unang pagbasa (Is 64:7) ibinibigay sa atin ang larawan ng isang magpapalayok na naghuhugis at nagmomolde ng putik. Ang Diyos ang magpapalayok na gumagawa ng mabuti maging sa mga bagay na nakakabigla at hindi kaaya-ayang surpresa ng ating buhay.

 

Kung hindi maganda ang surpresang dumating sa atin, maaari nating ialay ito sa Panginoon at hilingin sa kanya na palutangin sa pangyayaring ito ang anumang mabuting maidudulot nito sa atin at sa ating mga minamahal.

 

Sa anumang magaganap, sa anumang surpresa, patuloy nawa tayong magtiwala, umasa, at manalig sa kapangyarihan at pagmamahal ng Diyos. Panginoon, lagi po kaming samahan at tulungan… Amen.

 

 

Paki-share sa isang kaibigan… (image above borrowed from the internet; thanks!)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS