IKATLONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 

PERSONAL NA PARAAN NG PAGPAPAHAYAG

 

 


 

Ang hirap sa mga Katoliko, hindi tayo sanay magbahagi ng pananampalataya natin sa ating kapwa. Takot tayong ipahayag si Kristo sa iba.

 

Hindi ba ang akala natin e para lamang ito sa mga born again na hindi nahihiyang magbuklat ng Bible at magbasa nito sa harap ng mga tao? O baka ang iniisip natin e para lamang ito sa mga hinirang – mga misyonerong pari at madre na dumadayo sa mga lugar ng mga mahihirap at mga hindi Kristiyano.

 

Pati si Jonas sa unang pagbasa (Jon 3) ay unang nag-akala na ang hinihingi ng Diyos sa kanya ay napakahirap. Umiwas siya; nagtago pa nga para huwag maabala ang kanyang payapang buhay. Bakit nga naman pupunta sa Ninive? Ayaw niya sa mga taga-roon. At wala siyang pakialam sa kaligtasan ng mga iyon.

 

Salamat na lang sa balyenang lumamon kay Jonas (tanda pa ninyo ang kuwentong ito?) at nagbago ang isip niya at tumugon sa ipinag-utos ng Panginoon. Laking gulat niya nang makita niya ang reaksyon ng mga taga-Ninive sa kanyang mga salita. Tila ang tagal na nilang hinihintay ang kanyang mensahe.

 

Tinanggap nila ang pangaral ni Jonas. Tinanggap din ang hamon. Ipinakita nila ang pagsisisi at ang kanilang pagbabagong-puso. Sa huli, si Jonas ang naging kasangkapan ng kanilang kaligtasan.

 

Sa Mabuting Balita (Mk 1), si Hesus naman, buong tapang at walang atubili, ay naglibot upang ipahayag ang salita ng Diyos. Ipinangaral niya ang kaharian ng Ama at nag-anyaya sa mga nakikinig na makiisa dito.

 

Lubhang kapani-paniwala ang kanyang pananalita na agad ay dalawang pares ng magkapatid ang sumunod sa kanya. Iniwan nila lahat sa buhay nila noong panahong iyon upang tuklasin ang isang kapana-panabik na pakikibakang narinig nilang ipinangako ng Panginoon. Ang mga mangingisda ay nagsimulang maging mga mamamalakaya ng mga tao.

 

Ang totoo, maraming mga tao ang naghihintay lamang na lapitan sila at anyayahan na magbago at mag-alay ng buhay sa Panginoon. Isipin na lang nating kung gaano kadami nang Katoliko ang, nang lapitan ng mga miyembro ng ibang pananampalataya, ay nakinig, sumang-ayon at iniwan ang kanilang simbahan para sumapi sa bagong tuklas nilang pananampalataya.

 

Gutom ang mga tao sa Salita ng Diyos. Uhaw sa mensahe ng pag-asa. Naghahangad para sa isang makapag-aakay sa kanila sa Panginoon.

 

Sinabi ni Pope Francis na ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ay kasing simple lang ng isang pakikipag-usap. Kapag nakinig ka sa sitwasyon at mga pangangailangan ng mga tao, makukuha mo ang kanilang interes at tiwala. Darating ang oras na ang isang Kristiyano ay maaaring mag-mungkahi o magpayo, na may pagbanggit tungkol sa mensahe ng Panginoong Hesus o ng isang patotoo tungkol sa karanasang personal bilang Kristiyano. Kahit normal na pakikipag-kwentuhan ay simula ng pagpapahayag ng Mabuting Balita.

 

Nagulat si Jonas sa madaling pagtanggap ng mga tao sa kanyang mensahe. Dinalaw naman ng Panginoong Hesus ang mga tao sa kinalalagyan nila at kinausap sila nang mula sa puso.

 

Tayo rin, kaya nating magpasimula ng pagbabago kung nanaisin lamang nating magbahagi ng pananampalataya natin sa iba sa pamamagitan ng mga kilos na kasing simple ng pakikipagkuwentuhan, pagdalaw sa minamahal, o isang mapagmalasakit na pagkilos.

 

Paki-share sa kaibigan… ang photo sa itaas ay mula sa internet; Salamat po!

 

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS