KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO
ANG BATA ANG MAG-AAKAY…
Pangalawa lamang sa Krus na itinanim sa burol ng Limasawa noong 1521, ang Santo Niño de Cebu ang ikalawang nabanggit na imaheng Kristiyano sa kasaysayan ng Pilipinas. Regalo ito sa asawa ng hari ng tribo sa Cebu matapos siyang binyagan.
Nang mamatay si Magellan at umurong ang mga kasama, naiwan sa kamay ng mga bagong binyag ang imahen habang ang mga ito ay bumalik sa dating tradisyunal na relihyon dahil walang misyonerong gumabay sa kanila. Ang Santo Niño ay naging isang “poon” sa piling ng mga anito ng ating mga ninuno, kahit pa sabi ay mas iginalang ito dahil napatunayan nilang makapangyarihan ito tuwing sila ay magdarasal para sa ulan.
Nang dumating ang mga sumunod na tagasakop, natagpuang muli ang Santo Niño sa isang bahay na hindi sinunog ng mga katutubong tumakas papuntang bundok. Nakuha ito at naunawaan ng mga Kastila na ito ang imahen na siyang nauna sa kanilang pagdating. Nagtayo sila ng unang-unang simbahan sa karangalang ng Banal na Sanggol sa Cebu. Itinatag ang lungsod na ipinangalan sa matamis na ngalan ni Hesus. Dito na nagsimula ang masusing pagpapahayag ng Mabuting Balita at ang pagkalat nito sa buong lupain.
Ang Santo Niño ay simbolo ng magkabilang daigdig. Galing sa Kanluran, mula sa Flanders sa Europa, naging gabay ito ng mga Kastilng manlalakbay tungo sa ating mga pampang. Subalit ang umusbong na debosyon dito ay mula naman sa Silangan, sa mga isla ng Asya. Ang mga katutubong Pilipino ang nagpakita ng pagsamba sa pamamagitan ng awit at sayaw, sigaw at papuri, pagsasaya at pagninilay. Ang Katolisismong alam ng mga simpleng tao ngayon ay nagsimula sa debosyon sa mahiwagang Batang Hesus na dating nasa altar ng mga anito ngunit unti-unting nilupig ang mga ito hanggang siya na lamang ang manatiling nakatayo at nakaukit sa puso ng mga Pilipino.
Ang Bata ay si Kristo, ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng mundo, ang Panginoon ng Pilipinas. Ang kanyang tahimik na unang pagdating ang naghanda sa mas masidhing pagdating niya sa puso at isip ng mga tao sa pamamagitan ng mga unang misyonerong Kastila. Sa pamamagitan ng Santo Niño, nagsimulang maging bansa ang Pilipinas, hindi lamang pulo-pulong pagtitipon ng mga tribo.
Nagdiriwang tayon ngayong taon ng 500 anibersaryo ng mga pangyayaring ito. Nakalingon na may pasasalamat sa kamay ng Diyos na nagdulot sa atin ng kaloob na pananampalataya na sinasagisag ng Banal na Sanggol. Nakatutok ang mata natin sa awa ng Diyos na ngayon ay patuloy na nagliligtas sa ating kaluluwa at katawan mula sa kasalanan at kamatayan, at sa ating bansa naman mula sa kahirapan, katiwalian, at kasakiman. Nakatanaw naman tayo sa kinabukasang puno ng pag-asa na tayo ay mananatiling mga misyonero ng Mabuting Balita sa lahat ng bansa.
Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na pahalagahan ang mga bata at palapitin sa kanya (Mk 10). Sa ating kasaysayan, isang Bata ang nagkatawang-tao sa ating kultura at itinuring na hindi kakaiba ng ating mga ninuno. Niyakap niya tayo at niyakap naman natin siya. Sa loob ng 500 taon nasaksihan natin ang pagmamahal at pagkalinga ng Santo Niño na ating Kapatid, isang Batang Hari at Panginoon sa gitna ng pamilyang Pilipino.
Paki-share po sa kaibigan… Maligayang Pista ng Santo Niño!
Comments