PAGBIBINYAG SA PANGINOON B

 


TULAD NI HESUS

 

 


 

Paano mo ba makakalimutan ang kaarawan ng kaibigan mo, lalo kung ito ay tumapat din sa kapistahan ng Pasko! Ganyan ang birthday ng kaibigan kong tinatawag kong Ate Emz.

 

Minsan nasabi ko sa kanyang kaya siya ka-birthday ni Jesus ay dahil ginawa siya nito na katulad niya. Dahil ang katotohanan, ang kaibigan kong ito ay may tunay na pagmamahal sa Diyos, kabutihan sa mga taong nakakasalamuha niya, at diwa ng pagsasakripisyo at pag-aalay ng sarili para sa pamilya at mga kaibigan.

 

Lalong lumakas ang aking kutob na ito nang makausap ko kanilang family driver. Walang kaanu-ano ay biglang nagbahagi ang driver. Sabi niya na ang kanyang amo daw ay talagang isang taong ang kagandahang loob ay madaling madama araw-araw. Nagpatotoo siya na saksi siyang lagi itong naghahanap ng pagkakataong magpakita ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa tao. Kapag family driver mo ang siyang pumuri sa iyo, may mas maganda pa bang parangal kaysa dito? Siya ang nakaaalam ng mga lihim ng pamilya at tiyak na ang kanyang kuwento ay totoo.

 

Ano ang sikreto ng kaibigan kong ito? Saan nagmumula ang kanyang angking kabutihan? Hindi sapat na ipinanganak lang siya sa araw ng Pasko. Mas malalim pa dito, siya ay seryoso sa pagiging tapat sa kanyang pagiging binyagang Kristiyano. Bawat araw, ang nais lang niya ay mabuhay para kay Kristo at ibahagi ang pananampalataya niyang ito.

 

Itong Pista ng Pagbibinyag sa ating Panginoong Hesus ay isang paalala na ninais ng Panginoon ang dumanas ng binyag upang ipakitang napakalapit niya sa ating mahihina at makasalanan. Hindi nahiya ang Diyos na tawagin tayong mga kapatid at kaibigan.

 

Ang sarili nating binyag naman ay ating tugon sa dakilang pagmamahal na ito. Kayrami sa ating hindi na naaalala ang ating binyag dahil sanggol pa tayo noon. Pero habang lumalaki, nauunawaan nating ang kahulugan nito ay mabuhay para sa Diyos, kasama ang Diyos at mismong sa Diyos.

 

Iniaalay sa atin ng Panginoon ang pakikipagtipan. Handog niya sa atin ang pagkakaibigan. Nasa atin na kung tatanggapin natin ito at lalago sa kanyang pagmamahal. Sa kagustuhan nating mahalin din ang Diyos, tinutularan natin ang landas ni Hesus at pinalalalim ang ating kaugnayan sa kanya.

 

Ngayong taon ang ika-500 anibersaryo ng unang binyag sa ating bansa. Tinanggap ng mga katutubo ang alok ni Ferdinand Magellan na magpabinyag matapos niya itong simpleng ipaliwanag. Subalit nang umurong ang grupo ni Magellan, at walang naiwang misyonero upang maging gabay, nagbalik sa dating kinaugaliang relihyon ang mga katutubo.

 

Ngayon tayo ay napapalibutan ng mga tao, grupo o institusyon na laging nagpapaalala ng ating pangako sa binyag. Huwag nawa tayong mamuhay na tila hindi kilala ang Panginoon o na tila kaaway ng kanyang krus. Sa halip, maging mulat nawa tayo na tayo’y mga larawan ni Hesus sa ating kapwa sa anuman nating gawa o salita. Bilang mga binyagan, naisin nating maging tulad ni Hesus sa lahat ng sandali!

 

 

Paki-share po sa kaibigan… ang photo sa itaas ay Salamat sa internet!

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS