IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY B


MATAPANG, SUBALIT MAPAGMAHAL MUNA!

Jn 10: 11-18

 


 

 

Bawat linggo ng Pagkabuhay, lumalago tayo sa pagkilala, pagkaunawa at pagmamahal sa ating Panginoong Hesukristo. Noong Linggo ng Pagkabuhay, nabunyag siya bilang Matagumpay sa kamatayan. Sa ikalawang linggo naman, bilang Mahabaging Panginoon. Noong ikatlong linggo, nakilala natin siya bilang Guro na nagbibigay liwanag sa isip at puso. Ngayon naman, inaalala nating si Hesus ang ating Mabuting Pastol.

 

Hanga tayo sa katatagan ng isang pastol. Matapang niyang ipinagtatanggol ang kawan laban sa pananalasa at pagkasugat. Ang upahan, sabi sa ebanghelyo, ay siya pang unang nagtatago at tumatakbo. Pero ang mabuting pastol, hinaharap niya ang mabangis na aso o lobo. Minsan hindi lang lobo kundi mga magnanakaw pa ng tupa ang sinasagupa ang pastol. Tuloy hindi lang nasusugatan, kundi nagbubuwis pa ng buhay ang pastol. At si Hesus ay hindi kilala bilang ang Matapang na Pastol. Siya ang Mabuting Pastol, hindi dahil matapang lang siya, kundi higit sa lahat, mapagmahal at mapagmalasakit siya sa kawan, sa bawat isa sa atin.

 

Upang maunawaan, balikan natin ang naganap sa Krus. Bakit namatay ang Panginoon sa krus? Sabi ng iba dahil obligasyon nya ito o pakikipag-bargain sa Ama. Mamamatay siya sa krus upang bayaran ang utang ng mga tao sa Diyos; nang makita ng Ama ang dumanak na dugo, pinatawad niya tayong lahat sa kasalanan. Tila ang kaisipan na ito ay masyadong isip-tao. At kahit nga sa kaisipan natin tila hindi katanggap-tanggap na may amang hihingi ng kamatayan ng anak para pambayad-utang di ba?

 

Sa Mabuting Balita ngayon, sabi ni Hesus: iniaalay ko ang aking buhay… iniaalay ko ito nang kusa… nagdusa at namatay siya dahil ito ang pagpapahayag niya ng pagmamahal sa kanyang mga kapatid. Walang pumilit, maging ang Ama, maging anumang utang. Basta nagmahal siya at nagsakripisyo dahil sa pag-ibig na ito. itong pag-aalay na ito ang nakita ng Ama, tinanggap at pinahalagahan kaya pinatawad niya ang sala ng mga tao. Tila hindi si Hesus ang nagbayad ng utang sa Ama; tila ang Ama ang nagkautang sa Anak dahil sa dakilang pagmamahal at pag-aalay ng buhay.

 

Ngayon tayo ay libot ng takot, pagkabalisa, galit, pagdurusa, kawalan ng pasensya sa mga nagaganap sa mundo dahil sa pandemya. Alalahanin natin ang pagmamahal ng Mabuting Pastol at hingin sa maranasan natin ang pag-ibig niya sa ating mga puso. Kailangan din nating tularan ang Mabuting Pastol na nagpalawak at nagpakalat ng pagmamahal, hindi ng pagkabahala at pagkatakot, saanman tayo naninirahan o naghahanag-buhay. makilahok tayo sa pagbabahagi ng pag-ibig tulad ni Hesus na Panginoon natin, upang matulungan at mapalakas natin ang isa’t-isa sa gitna ng ating mga pinagdaraanan. Amen.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS