IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY B


BAWASAN SARILI, DAGDAGAN ANG DIYOS!

JN 15: 1-8

 

 


 

 “Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga… kung malayo sa akin, wala kayong magagawa.” Isa na yata ito sa mga pinakamagagandang salita sa Bible. Dulot nito ang sikreto ng banal na buhay – kung paano tunay na mauugnay kay Hesus at kung paano gawing sentro ng ating puso si Hesus.

 

Paano natin isasabuhay ngayon ang diwa ng ugnayan ng puno at sanga o tangkay? Ano ang praktikal na hakbang para laging maging nakakapit sa Panginoon? Sa aklat na “Spiritual Combat” may mahalagang payo. Sabi ng may-akda, dalawang bagay ang kailangan: una, huwag lubos na magtiwala sa sarili, at ikalawa, dagdagan ang pananalig sa Diyos.

 

Ang pagbabawas ng tiwala sa sarili ay hindi nangangahulugan na pagdudahan ang sarili. Ang daming bigay ng Diyos na talino at kakayahan sa atin kaya tama lang na bilib tayo sa ating sarili. Pero dapat maging makatotohanan. Maging ang pinakamagaling na tao ay may kahinaan at pagkakamali din. Sa oras na gawin natin ang sarili – sariling ideya, damdamin, plano, atbp – na tanging pamantayan ng ating kilos, makikita din agad natin ang bunga nito: madali tayong magkakasala, makakapanakit sa kapwa, magkakamali ng pasya, at makakalimot na may mas higit pang kapangyarihan na dapat kilalanin natin.

 

Dito pumapasok ang ikalawang rule. Magtiwala nang lubos sa Diyos, hindi sa sarili. Kapag ginawa ito, sabi ng ating Panginoong Hesus: mamumunga tayo nang sagana. Pero kapag nalimutan ito: itatapon tayong parang tuyong sanga at malalanta.” Ang puno ang nagdadala ng sustansya sa mga tangkay nito at hindi maaaring mabuhay ang sanga lamang. Ito ang napapatunayan nating mga Kristiyano araw araw pero higit sa lahat, sa panahon ng kaguluhan. Ang pananampalataya ang siyang nagtataguyod sa atin at pumipigil sa ating mabuwal. Pananampalataya ang nagbabangon kapag nadapa, nagpapanariwa kapag natuyot. Sa panahon ng pandemya, marami daw nawalan ng pananampalataya. Sagot naman ng mga Kristiyano, dito lalong tumatag ang kanilang tiwala sa Diyos na tumutulong at nagtataguyod hanggang wakas.

 

Ipagdasal nating matapos na ang pandemya, magwakas na ang krisis, matuldukan na ang mga paghihirap. Ipagdasal natin ang dagdag na pagtitiis at pagtitimpi. Ipagdasal natin ang lakas nawa ay dumating upang tumulong sa ating sarili at sa kapwa. Higit sa lahat, ipagdasal nating yumabong ang ating tiwala sa Diyos na patuloy na nagpapadala ng biyayang makalulutas sa ating mga suliranin sa buhay. Amen!

 

 paki-share sa kaibigan; thanks to the internet for the photo above!

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS