SAINTS OF OCTOBER: SANTA TERESITA NG BATANG SI HESUS (ST. THERESE OF THE CHILD JESUS)
SANTA TERESITA NG SANGGOL NA SI HESUS
DALAGA
KAPISTAHAN: OKTUBRE 1
A. KUWENTO NG BUHAY
Isa sa pinakalaganap at
pinakasikat na larawan ng isang santa ay ang larawan ng isang monghang Carmelite na diretsong nakatingin sa kamera
at nakangiti nang ubod tamis. Ang kanyang mga mata at ang kanyang ngiti ay
tanda ng napakalalim na buhay-espiritwal na umakay sa maraming tao upang
makilala ang tunay na mukha ng Diyos.
Ang santang ito ay si Santa
Teresita ng Batang si Hesus (St. Therese
of the Child Jesus o St. Therese of
Lisieux sa Ingles). Isa siya sa pinakasikat na santa sa kasaysayan ng ating
simbahan magpahanggang ngayon.
Inspirasyon siya ng maraming mga tao mula sa iba’t-ibang antas ng buhay.
Isa siya sa aking mga paboritong banal sa langit.
Isinilang si Santa Teresita sa Alencon sa France noong 1873 sa mga magulang na sina San Luis Martin, ang
amang nag-aruga sa kanya, at Santa Zelie-Marie Guerin ang kanyang ina na
maagang pumanaw (Nagulat ba kayo na santo at santa din ang mga magulang ng
ating bida? Sa kasaysayan, sila ang unang mag-asawa na sabay idineklara bilang
mga santo.) Kahit na maraming naging anak ang mga ito, hindi lahat ay nabuhay.
Limang babae lamang ang nakaligtas sa kamatayan sa pagkabata – isang santa
(Santa Teresita), isang nasa proseso ng beatification (Sr Francisca Teresa o
Leonie), at maaaring sumunod na rin ang iba sa landas ng pagkilala sa
kabanalan.
Ang apat na kapatid ni Santa
Teresita ay naging mga mongha din, tatlo sa Carmelite
monastery kasama niya at isa sa Visitation convent kasama ng isa nilang tiyahin. Kapag humantong sa
pagka-santa ang iba pang mga kapatid ni Santa Teresita, matutulad sila pamilya
ni San Bernardo (kung saan lahat ng miyembro ay nadeklara na bilang santo at blessed). Narito ang mga kapatid ni
Santa Teresita:
Leonie – Sr Francisca Teresa,
pumasok sa Visitation convent
Marie Pauline – Mother Agnes of
Jesus, naging superior ng Carmelite monastery
Marie Louise – Sr Marie of the
Sacred Heart, Carmelite
Marie celine – Sr Genevieve of the
Holy Face, Carmelite
Nang bata pa si Santa Teresita ay
nagkasakit siya nang malubha. Isang himala ang kanyang paggaling dahil sa
tulong ng imahen ng Mahal na Birheng Maria na nakita niyang ngumiti sa kanya.
Tinatawag ngayon ang imaheng ito na “Virgin of the Smile.”
Naging madasalin si Teresita at pinaglabanan niya ang maraming kahinaan ng kanyang karakter.
Nang pumasok sa monasteryo ng
Carmel ang kanyang dalawang kapatid, naging masidhi ang kanyang pagnanasa na
ialay ang sarili sa Panginoon. Kailangan siyang maghintay at matuto ng pasensya
dahil hindi agad ipinagkaloob ang kanyang ninanais dahil sa sobrang bata pa
niya.
Sa wakas tinanggap siya sa
monasteryo sa edad na 15 taong gulang. Doon na niya gugugulin ang buong buhay
niya hanggang sa kanyang kamatayan sa edad na 24 taong gulang lamang. Ang naging bagong pangalan niya ay Sister
Teresita ng Sanggol na si Hesus at ng Banal na Mukha (Sr. Therese of the Child
Jesus and of the Holy Face).
Habang nasa monasteryo, sinikap
gawin ni Santa Teresita ang kalooban ng Diyos sa mga maliliit na bagay na dapat
gampanan ng isang mongha. Ipinakita rin
niya ang tahimik pero malimit na kabutihan at kagandahang-loob sa kanyang mga
kasama kahit nahihirapan siyang makisama sa kanila o nasasaktan nila ang
kanyang kalooban. Dito niya nakita na ang susi ng kabanalan ay hindi
matatagpuan sa malalaking gawain kundi sa mga mumunting bagay na ginagawa nang
may buong pagmamahal. Ito ang nagbigay
sa kanya ng tunay na kapayapaan. Nakilala niya ang Diyos bilang pag-ibig at kaibigan,
at hindi hukom na dapat katakutan.
Tinawag niya ang kanyang bagong
tuklas na karanasang ito bilang doktrina ng “munting landas” (little way) ng pagiging bata o musmos ng kaluluwa sa harap ng Diyos. Pagkatapos ng kanyang kamatayan, at sa tulong
kanyang aklat na Story of a
Soul (Kasaysayan ng Isang Kaluluwa),
magiging tanyag ang espiritwalidad na ito at magiging gabay ng napakaraming
Kristiyano sa buong mundo.
Naglingkod si Santa Teresita sa
iba’t-ibang tungkulin sa loob ng monasteryo. Dito lumago ang kanyang
pananampalataya at nagbago ang kanyang pananaw sa buhay. Nagpakita siya ng
pagmamahal para sa mga pari at mga misyonero na pinag-alayan niya ng panalangin
at sakripisyo. Nangarap siyang maipadala sa monasteryo sa Vietnam (Saigon Carmel) pero hindi ito natupad.
Dahil sa tuberculosis, namatay si Santa Teresita noong Setyembre 30,
1897. Kahit hindi siya umalis ng
monasteryo sa loob ng 9 na taon ng kanyang buhay doon, nakilala ang kanyang
aklat at ang aral na dala nito. Maraming
humanga sa kanya at natulungan ssa kanilang pananampalataya. May mga himalang sinasabing naganap dahil sa
kanyang tulong. Maraming nakaramdan ng tulong at presensya ni Santa Teresita
bilang isang kaibigan at kapatid sa paglalakbay tungo sa Diyos.
Noong 1925 opisyal na ipinahayag
siya bilang santa ng simbahan. Siya
ngayon ay patron ng France kasama ni
Santa Juana d’Arc. Siya din ay patron
ng mga misyonero kasama ni San Francisco Javier. Tinanggap niya ang titulo
bilang Pantas ng simbahan noong 1997 dahil sa lakas ng kanyang aral sa buahy
espiritwal.
B. HAMON SA BUHAY
Kung hindi mo pa nababasa ang
aklat ni Santa Teresita (The Story of a Soul), ano pa ang hinihintay mo?
Bumili, humiram o mag-download at basahin ito nang taimtim upang matuklasan ang
itinuturo niya sa atin na landas ng pagiging banal sa araw-araw. Ipagdasal din
natin na tulungan ni Santa Teresita ang mga pari, mga seminarista at mga
misyonero.
K. KATAGA NG BUHAY
Dt 32:10-12
Si Yawe lamang ang umakay sa
kanya, wala siyang kasamang diyos na banyaga.