14 RULES OF DISCERNMENT OF SPIRITS OF ST. IGNATIUS OF LOYOLA (TAGALOG)
14 NA PANUNTUNAN SA PAGKILATIS SA MGA ESPIRITU
AYON KAY SAN IGNACIO DE LOYOLA
(sariling salin sa Tagalog ng ourparishpriest blog)
RULE 1
KAPAG ANG ISANG TAO AY LUMALAYO SA DIYOS
Sa mga taong naglalakbay mula sa kasalanang mortal patungo sa ibayong kasalanang mortal, ang kaaway ay karaniwang nagmumungkahi ng mga tila masasarap na bagay, mga imahinasyon na nadaramang ligaya at sarap upang lalo silang kumapit at malulong sa kanilang mga kasalanan at bisyo. Sa mga taong ito, ang mabuting espiritu naman ay gumagamit ng baligtad na paraan, tinutusok at kinakagat ang konsiyensya nila sa pamamagitan ng katuwiran.
RULE 2
KAPAG ANG ISANG TAO AY LUMALAPIT SA DIYOS
Sa mga taong patuloy na naglilinis ng kanilang kasalanan at lumalago mula mabuti patungo sa mas mabuti sa paglilingkod sa Diyos na ating Panginoon, baligtad ang paraan sa nabanggit sa unang batas, dahil dito ang masamang espiritu ang siyang kumakagat, nagpapalungkot at naglalagay ng mga balakid, nanggugulo sa pamamagitan ng maling katuwiran, upang huwag makagawa ng mabuti; at ang mabuting espiritu naman ang siyang nagbibigay ng lakas at tatag, kaaliwan, luha, inspirasyon, at katahimikan, pinaluluwag at inaalis ang mga balakid upang lalong higit na magpatuloy sa mabuting gawain.
RULE 3
TUNGKOL SA PAGKALUGOD (KAALIWAN) NA ESPIRITUWAL. Tinatawag kong pagkalugod kung may naibubungang kilos sa kaluluwa, kung saan ang kaluluwa ay nagniningas sa pagmamahal sa kanyang Tagapaglikha at Panginoon at kung dahil dito ay mamahalin niya, hindi anumang nilikha sa balat ng mundo, kundi tanging ang Tagapaglikha ng lahat lamang.
Gayundin, pagkalugod din kapag ang kaluluwa ay lumuluha dala ng pagmamahal sa kanyang Panginoon, maging dahil sa pighati sa kanyang mga kasalanan, o dahil sa Pagpapakasakit ni Kristong Panginoon, o dahil sa ibang mga bagay na tahasang kaugnay ng paglilingkod at papuri sa Panginoon.
Sa huli, tinatawag kong pagkalugod ang bawat paglago sa pag-asa, pananampalataya at pag-ibig, at lahat ng kagalakang panloob na tumatawag at umaakit sa makalangit na mga bagay at sa kaligtasan ng kaluluwa, na nagbibigay dito ng katahimikan at kapayapaan sa kanyang Tagapaglikha at Panginoon.
RULE 4
TUNGKOL SA KAPANGLAWAN (PAGKALUGMOK) NA ESPIRITUWAL. Tinatawag kong kapanglawan ang lahat ng kabaligtaran ng ikatlong panuntunan, tulad ng kadiliman ng puso, pagkagambala nito, kilos tungo sa mga mababa at makamundong bagay, kawalan ng kapanatagan dulot ng pagkabahala at mga tukso, na nagdudulot sa kakulangan ng tiwala, kawalang pag-asa, pagiging tamad, walang pakialam, malungkot, at tila ba hiwalay sa kanyag Tagapaglikha at Panginoon. Dahil, kung ang pagkalugod ay kabaligtaran ng kapanglawan, gayundin ang mga kaisipan na mula sa pagkalugod ay kabaligtaran ng mga kaisipang nagmumula sa kapanglawan.
RULE 5
ANO HINDI DAPAT GAWIN KAPAG NASA KAPANGLAWAN
Sa oras ng kapanglawan o pagkalugmok (desolation) huwag na huwag gagawa ng pagbabago; subalit maging matatag at matapat sa mga hangarin at pasyang nagawa bago dumating ang kapanglawang ito, o sa pasyang nagawa habang nasa nakalipas na pagkalugod (consolation). Dahil, tulad ng sa pagkalugod na ang mabuting espiritu ang gumagabay at nagpapayo sa atin, gayundin sa kapanglawan ang masamang espiritu ang kumikilos upang huwag makapagpasya tungo sa tamang landas.
RULE 6:
ANO ANG DAPAT GAWIN KAPAG NASA KAPANGLAWAN
Bagamat kung sa kapanglawan o pagkalugmok (desolation) ay hindi dapat gumawa ng pagbabago ng nagawang mabuting pasya, makatutulong na ang baguhin natin ay ang sarili laban sa kapanglawang ito, sa pamamagitan ng higit na pagsisikap sa panalangin, pagninilay, masidhing pagsusuri ng sarili, at sa pagbibigay sa ating sarili ng malawak na puwang upang makagawa ng nararapat na sakripisyo (penance).
RULE 7
ANO ANG DAPAT ISIPIN KAPAG NASA KAPANGLAWAN
Dapat mapagtanto ng isang nasa kapanglawan (desolation) kung paanong hinayaan siya ng Panginoon sa pagsubok na may likas na kapangyarihan, upang malabanan ang mga bagabag at tukso ng kaaway; dahil kaya niya ito sa tulong ng Diyos, na laging kasama niya bagamat hindi niya nararamdaman; dahil kung tinanggal ng Panginoon sa kanya ang sidhi, dakilang pagmamahal at matinding biyaya, iniwan naman sa kanya ang biyaya para sa walang hanggang kaligtasan.
RULE 8
ANO ANG DAPAT GAWIN PAGSIKAPAN KAPAG NASA KAPANGLAWAN
Sinumang nasa kapanglawan o desolation ay dapat magsikap na maging matiisin, na siyang kabaligtaran ng dumarating na pagkabagabag sa kanya: at isipin niyang darating din ang kaaliwan o consolation, gamitin lamang ang mga kasangkapan laban sa kapanglawan na nabanggit sa rule 6.
RULE 9
MGA DAHILAN KUNG BAKIT MAY KAPANGLAWAN
May tatlong pangunahing dahilan kung bakit tayo nasasadlak sa kapanglawan. UNA, dahil sa ating pagiging mababaw ang interes, tamad, o pabaya sa ating mga gawaing espirituwal; kaya sa ating sariling pagkakamali, nababawi sa atin ang kaaliwan o consolation. IKALAWA, upang subukan at makita kung kumusta tayo at kung paano natin ibinibigay ang sarili sa paglilingkod at pagpupuri sa kanya na walang kapalit na kaaliwan at mga malalaking biyaya. IKATLO, upang bigyan tayo ng tunay na pagkakilala at kaalaman, upang maramdaman natin sa puso na hindi sa atin ang pagkakamit o pagpapanatili ng dakilang debosyon, marubdob na pagmamahal, luha, o anumang kaaliwang espirituwal o consolation, subalit na ang lahat ay kaloob at biyaya ng Diyos nating Panginoon, at nang huwag tayong magbuo ng pugad na hindi atin, na magdudulot ng pag-iisip ng kayabangan o kahambugan, na aangkinin sa sarili ang debosyon o ibang mga bagay ukol sa kaaliwang espirituwal.
RULE 10
ANO ANG DAPAT ISIPIN KAPAG NASA KAALIWAN
Sinumang nasa kaaliwan o consolation ay dapat mag-isip kung paano na ba kapag nasa kapanglawan o desolation siya dahil tiyak itong darating, kaya dapat mag-ipon ng lakas para doon.
RULE 11
ANO ANG DAPAT GAWIN KAPAG NASA KAALIWAN
Sinumang nasa kaaliwan o consolation ay sikaping magpakumbaba at ibaba ang sarili hanggang kaya niya, habang iniisip kung gaano kaliit ang makakaya niyang gawin sa panahon ng kapanglawan o desolation kung wala ang biyaya o pagpapala ng Diyos. Gayundin naman, sinumang nasa kapanglawan o desolation ay mag-isip na marami siyang magagawa sa tulong ng biyayang sapat para sa paglaban sa lahat niyang mga kaaway, habang humuhugot ng lakas sa kanyang Manlilikha at Panginoon.
RULE 12
ANG LIKAS NA KATANGIAN NG KAAWAY: NATURAL NA MAHINA KUNG LALABANAN
Ang kaaway ay parang babae, mahina sa harap ng taong malakas at matatag ang kalooban. Ang babaeng nakikipag-away sa isang lalaki ay nanghihina ang loob at tumatakbo kapag matapang ang lalaki: at baligtad naman, kung ang lalaki ang manghina ang loob, at umurong, ang poot, ganti at bangis ng babae ay napakalakas, at walang hangganan. Gayundin naman ang paraan ng kaaway ay humihina at nawawalan ng loob, ang tukso ay tumatalilis, kapag ang isang taong matapat sa buhay espirituwal ay lumalaban nang matapang sa mga tukso ng kaaway, at ginagawa ang tahasang kabaligtaran ng tukso. Ang kabaligtaran naman ay ganito, na kapag ang isang tao ay nagsimulang matakot at manghina ang loob sa harap ng tukso, walang hayop na mas mabangis pa sa balat ng lupa kaysa sa kalaban na nagpapatuloy ng kanyang kasumpa-sumpang hangarin na may matinding masamang balak.
RULE 13
ANG LIKAS NA KATANGIAN NG KAAWAY: MALIHIM AT NAGTATAGO SA DILIM
Ang kaaway ay mistulang isang mahalay na manliligaw na nais maging sikreto at hindi mabunyag ang kilos. Ang mahalay na tao, na may masamang pakay, at nanghihikayat ng dalagang mula sa mabuting pamilya o ng babaeng may asawa na, ay gustong manatiling lihim at huwag mabunyag ang mga pambobola at pang-aakit niya. Kapag ang dalaga ay nagsumbong sa ama o ang maybahay naman sa asawa niya tungkol sa malaswang salita at intensyon ng mahalay na tao, iniisip niyang hindi siya magtatagumpay sa sinimulang gawain. Ganyan ang kaaway ng sangkatauhan na nagdadala ng kanyang panlilinlang at pang-aakit sa mabuting kaluluwa; nais niyang tanggapin ang mga ito at itago nang palihim; subalit kapag may nagbunyag ng mga ito sa isang mabuting paring tagapag-kumpisal o sa isang espirituwal na tao na nakaaalam ng kanyang panloloko at kasamaan, ito ay malaking hampas sa kanya, dahil alam niyang kapag nabunyag ang kanyang mga pakana, hindi na magtatagumpay ang kanyang sinimulang kabuktutan.
RULE 14
ANG LIKAS NA KATANGIAN NG KAAWAY: NAGMAMANMAN SA KAHINAAN
Ang kaaway ay kumikilos din tulad ng isang pinuno na nais ay manlupig at magnakaw ng anumang nais niya: dahil, kung paanong ang kapitan o hepe ng mga sundalo na nagtatayo ng kampo at nagmamasid sa depensa ng isang kuta, ay lumulusob sa pinakamahinang bahagi ng kuta, ganyan din ang kaaway ng tao. Naglilibot ito, nagmamasid sa lahat ng mga kabutihang taglay ng isang tao (maging ito ay teolohikal, kardinal o moral); at kung saan makitang pinakamahina at higit na nangangailangan ng kaligtasang walang hanggan, doon siya lumulusob sa atin at naghahangad na dakpin tayo.
isinalin sa Tagalog - Fr. RRM
Comments