IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
ANG HALAGA NG NAWAWALA
LK 15: 1-10
Mula nang mauso ang FB community page, kaydaming anunsyo ng mga nawawalang gamit, bagay o alaga. Sa aming community busy ang mga tao sa pagtulong mahanap ang nawawalang susi o wallet. Join ang magkakapitbahay sa pagtunton ng mga pets na aso at pusa. Pero minsang may nag-anunsyo na nakawala ang alaga nilang ahas na sawa, walang lumabas ng bahay at sa halip nagsarado ng mga pinto at bintana ang aking mga kapitbahay!
Ano nga ba ang halaga ng isang tupa kung meron pang 99 na natitira? O ng isang kusing kung may 9 pa na salaping pilak? Siguro tanong ito ng mga tagapakinig sa Panginoong Hesus sa kanyang mga talinghaga. Bakit nga ba magsasayang ng oras sa paghahanap sa halos kayliit at madaling palitan na nawawalang mga bagay?
Ang may-ari, kung responsible at malingap, nagkakaroon ng pagmamahal sa kanyang pag-aari. Para sa iba kasi ala-ala ito ng mahal nilang tao o kaya mahalagang karanasan, iyong sentimental value ba. Sa iba naman, taluktok ang mga ito ng pinangarap na makamit sa buhay gamit ang dugo at pawis, hindi ang pera. Kaya pag nawalay ang ganitong mga bagay, kayhirap ng pakiramdam.
Subalit ang mga talinghaga ng Panginoong Hesus ay may mas mataas at mas malalim pang pakahulugan. Ang Diyos ang tagahanap ng nawawala. Ang nawawala ay hindi basta lamang gamit bilang aliwan o bilang kayamanan. Ang nawawala ay isang nilalang, pero pinahalagahan bilang mahal at mahalagang anak. Tayo iyon, ang nawawalang tupa at kusing. Sa puso ng Diyos, ayaw niyang mawalay ang sinumang nilalang niya dahil lubos ang kanyang pagmamahal sa bawat isa sa atin.
Minsan, hindi natin dama na mahalaga tayo kasi pangit ang pagtrato sa atin ng iba. Naaawa tayo sa sarili kapag nabibigo tayo. Hindi tayo makaasa sa nakalulugod na salita o kilos ng mga tao sa paligid natin. Ang mundo kasi natin ay eksperto sa pananakit, sa pagtataboy, sa pagsasantabi ng kapwa. Subalit alam mo ba, hindi ganoon ang ating Diyos. Mahal ka niya kahit sino ka o ano pa man ang nagawa mo; mahalaga ka sa kanya dahil inari ka niyang bahagi ng buhay niya, sa kabila ng kahinaan mo at kasalanan.
Ngayong Linggo, habang binabalikan mo ang ebanghelyo, magpasalamat sa Panginoong Diyos na interesadong ibalik ka sa kanyang tahanan, ilapit ka sa kanyang puso. Pabayaan mong matagpuan ka niyang naghihintay sa kanyang pagliligtas, sa kanyang pagtubos.
Comments