KAPAYAPAAN NG ISIP AT PUSO: PART 1

 


TEMA: KAILANGANG-KAILANG NATIN ANG KAPAYAPAAN

 


 

 

PANALANGIN

 

Umayos tayo sa ating pagkaka-upo at ituong ang pansin sa oras na ito ng pagninilay at huminga nang dahan-dahan. Buong paniniwala nating isipin na nakatitig sa atin ang Diyos, ang Ama na laging nagmamahal sa atin. Anyayahan natin siya sa ating puso. Damahin natin sandali ang kanyang presensya.

 

Sa ngalan ng Ama…

 

O Espiritu Santo, ikaw ang liwanag, ang mang-aaliw, halina at maging gabay ko sa sandali ng pagninilay at panalangin para sa kapayapaan. Ipadama mo po sa akin ang ganda at lalim ng iyon pagmamahal. Halina, Panginoon, at itatag mo sa aking puso ang kapayapaan at gawin mo akong kasangkapan sa pagpapalaganap nito sa aking paligid. Amen.

 

 

REFLECTION 1

 

Ang biyayang hinihiling natin ngayon ay tanggapin ang kapayapaan ng Diyos sa malalim at nag-uumapaw na paraan upang maibahagi natin ito sa ating paligid.

 

Mababasa natin sa Mt 5:9: “Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,

sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.”

 

Col. 3; 15 – “Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi.”

 

San Pablo: tawag sa atin ng Diyos na salubungin ang kapayapaan na handog niya sa atin. Bahagi ng buhay at misyon ng isang Kristiyano ang maging taong mapayapa.

 

Napakahalaga nito ngayon lalo na’t ang mundo ay puno ng ligalig, takot, at pangamba. Kailangang-kailangan nating madama, tanggapin at ikalat ang kapayapaan.

 

Ang unang misyon ng isang Kristiyano ay hindi maging perpekto; hindi lutasin lahat ng problema; hind imaging matagumpay. Ang unang misyon natin ay maging payapa.

 

Naaalala ko tuloy si St. Pope John Paul II, na noong binabalak ng mga bansa na lusubin at sakupin ang Iraq dahil ito daw ay pugad ng “weapons of mass destruction,” siya lamang ang nag-iisang lider ng Western world na pumipigil na magsimula ng digmaan. Nakiusap siya sa mga lider ng bansang pinangungunahan ng America, Great Britain at iba pa, na tumuklas ng ibang paraan maliban sa giyera; pero walang nakinig sa kanya.

 

Ang mga sumunod na conflict sa ibat ibang bahagi ng mundo mula noong hanggang ngayon ay patunay na higit na kailangan ng mga tao ang kapayapaan kaysa galit, digmaan, paghihiganti at patayan. Kaydaming naghihirap dahil nasimulan noon ang siklab ng poot sa puso ng mga tao. Kaydami din ngayong nag-aasam ng kapayapaan at kapanatagan ng isip at damdamin.

 

Lalong nasa krisis ang mundo, lalong dapat maging payapa ang puso ng mga tao.

 

Sa aklat ng propeta Isaias, noong ang Herusalem ay pinalibutan ng mga kaaway, naghagilap ang mga tao ng lunas na pulitikal. Pero ito ang sabi ng propeta: Sinabi pa ng Panginoong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, “Magbalik-loob kayo sa akin at pumanatag, dahil ililigtas ko kayo. Huwag kayong mabahala kundi magtiwala sa akin, dahil palalakasin ko kayo. Pero tumanggi kayo. (Is 30: 15)

 

kung ang puso natin ay pinananahanan ng kapayapaan at tiwala, sasandal tayo sa Panginoon, at matatagpuan natin ang tamang tugon sa ating mga suliranin sa buhay. matatagpuan natin ang mga tama at maayos na lunas na sa anumang kinahaharap natin dahil may gabay tayo ng pag-ibig.

 

Pero kung ang hahayaan nating sumakop sa puso natin ay pag-aalala at takot maling kilos ang magagawa natin; sasarilinin natin ang problema, o tatakbuhan ito, o magiging marahas at agresibo, o magpapasya nang padalus-dalos na walang nararating na anuman kundi magdagdag pa ng masama kesa magbunga ng mabuti.

 

BIYAYANG HIHILINGIN NATIN:

 

Hilingin natin ngayon ang biyayang ito:

 

Ano ba ang isinasaboy ko sa mundo? kapayapaan at tiwala sa Diyos? o ligalig at pag-alala? Hinihiling ko ngayon sa Panginoon na bigyan ako ng kapayapaan, na Manahan sa aking puso ang kapayapaan, at maging tunay akong kasangkapan ng kapayapaan.

 

 

MULA SA MGA SAKSI:

 

Sabi ni Sta. Teresa Benedicta of the Cross, isang Carmelite martyr: habang ang isang tao ay mayroong malalim na kapayapaan ng kaluluwa, lalo siyang nagniningning at naaakit sa kanya ang marami pang iba.”

 

 

ANG SALITA

 

Baunin natin sa mga darating na araw ang mga salita ni Isaias na binanggit kanina:

 

Sinabi pa ng Panginoong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, “Magbalik-loob kayo sa akin at pumanatag, dahil ililigtas ko kayo. Huwag kayong mabahala kundi magtiwala sa akin, dahil palalakasin ko kayo. Pero tumanggi kayo (Is 30: 15)

 

MANTRA SA ARAW NA ITO:

 

Sa maghapong ito, ulit-ulitin natin ang mga salitang: Huwag kayong mabahala kundi magtiwala sa akin, dahil palalakasin ko kayo.

 

(Salamat kay Fr. Jacques Philippe sa inspirasyon)

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS