IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
BAKIT BUTIL?
LK 17: 5-10
“Tandaan mo ang butil ng mustasa” – iyan ang payo ko sa kaibigang nangungulit sa akin. Itong babaeng ito kasi ay nagtatanong kung paano ba mahikayat ang mga tao na sumali sa kanyang bagong prayer group. Sobrang excited niya pero walang plano kung paano mapapadami ang mga kasapi.
Sa ebanghelyo ngayon, nangungulit din ang mga alagad: Panginoon, dagdagan mo ang aming pananampalataya! Tiyak para sa Panginoong Hesus, ito ay kaaya-aya, dakila, at mainam na kahilingan. Ano'ng masama kung madagdagan nga? Tila naman tapat at hindi lang nagpapakitang tao ang mga alagad. Gusto talaga nilang sundan ang kalooban ng Diyos. Subalit iba at mas malalim pa pala ang nais ni Hesus ibahagi sa kanila sa tulong ng isang di-inaasahang aral.
Para kay Hesus, hindi "higit" na kailangan ang “dagdag”
na pananampalataya kundi ang dagdag na kababaang-loob. Dagdag sa pananampalataya ay maaring mangahulugan ng pagtuklas sa mga misteryo ng Diyos, ng lalong tapang
na ialay ang buhay para sa kanya, at ng buong sigasig sa misyon o paglilingkod. Mahahalaga iyan subalit hindi unang-unang kailangan ng isang alagad.
Para sa Panginoong Hesus, hindi kailangan
ang pagdadagdag, pagkaunawa, o tapang – at least, hindi ito ang
"higit" na kailangan. Ang patunay ng tunay na pananalig ay pagbabawas, pagsuko,
pagiging maliit; ang tutok ay hindi sa sarili kundi sa Panginoong Nakapako at Muling
Nabuhay. Ang susi ay kababaang-loob.
Ang butil ng mustasa ang sagisag ng kababaang-loob na nais ni Hesus para sa lahat. Hindi ang matanyag sa mata ng tao kundi sa paningin ng Diyos, na nakababatid ng puso. Nagpasalamat ang kaibigan ko sa aking mungkahi. Naunawaan niyang ang paglago ng kanyang grupo ay magmumula nga sa simpleng halimbawa ng buhay at sa tapat na paglilingkod sa kapwa na siyang mag-aakay sa mga tao kay Hesus.
Paano mo ibabahagi ang Salita ng Diyos? Paano hihikayatin ang isang tao na magbalik-loob? Paano isasagawa ang misyon sa buhay? Natuklasan na iyan ng mga santo sa mensahe ng Panginoon ngayon. "Ang butil ng mustasa." Halina at maging mumunting butil na nakatanim sa mayamang lupa ng pananampalataya.
PLS JOIN the following FB groups by liking, following or joining:
https://www.facebook.com/groups/2452784104863469 (to get daily inspiration from the great saint and spiritual director - St. Francis de Sales)
https://www.facebook.com/katesismoko.mahalko (to grow deeper in knowledge of our Catholic faith through little doses of the Catechism)
THANK YOU!
Comments