KAPAYAPAAN NG ISIP AT PUSO: PART 2

 

TEMA: KALOOB NG DIYOS ANG KAPAYAPAAN

 


 

PANALANGIN

 

Umayos tayo sa ating pagkaka-upo at ituong ang pansin sa oras na ito ng pagninilay at huminga nang dahan-dahan. Buong paniniwala nating isipin na nakatitig sa atin ang Diyos, ang Ama na laging nagmamahal sa atin. Anyayahan natin siya sa ating puso. Damahin natin sandali ang kanyang presensya.

 

Sa ngalan ng Ama…

 

O Espiritu Santo, ikaw ang liwanag, ang mang-aaliw, halina at maging gabay ko sa sandali ng pagninilay at panalangin para sa kapayapaan. Ipadama mo po sa akin ang ganda at lalim ng iyon pagmamahal. Halina, Panginoon, at itatag mo sa aking puso ang kapayapaan at gawin mo akong kasangkapan sa pagpapalaganap nito sa aking paligid. Amen.

 

REFLECTION 2

 

Tinatawag tayo ng Panginoon na maging payapa at magbahagi ng kapayapaang ito sa mga nakapaligid sa atin; ganito tayo tunay na magiging mga anak ng Diyos.

 

Ang kapayapaang dapat Manahan sa ating puso ay higit sa lahat, kaloob ng Diyos. Natural, may bahagi tayong dapat gawin; kailangan din ang ating pagsisikap. Subalit higit sa lahat, ang kapayapaan ay regalong dapat na salubungin, biyayang dapat hilingin at tanggapin. Tanging ang Diyos lamang ang makapagpapadaloy ng kapayapaang ito; hindi sapat ang lakas ng tao.

 

Tunghayan natin ang ilang talata ng Banal na Kasulatan ukol sa kapayapaan bilang regalo ng Diyos, tulad ng matatagpuan sa ebanghelyo ni San Juan, sa pangaral ng Panginoong Hesus matapos ang Huling Hapunan.

 

Matapos hugasan ang paa ng mga apostoles, matagal ding kinausap ng Panginoong Hesus ang mga ito habang sila ay naghahapunan. Iniwan niya sa kanila ang kanyang mga tagubilin, bago pa man siya magpakasakit at mamatay sa krus.

 

Sa chapter 14, sabi ng Panginoon: “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.”

 

Naguguluhan kasi at nag-aalala ang mga apostol dahil sa mga kaguluhan sa Herusalem at sa nakikitang nilang lumalagong at tumitinding pagka-poot ng mga Hudyo laban sa Panginoon.

 

Ang unang bilin ng Panginoong Hesus sa kanila ay pumanatag sila: huwag nilang hayaang maging ligalig ang kanilang puso at panatiliin nila ang kanilang pananampalataya.

 

Mahalaga ito sa Panginoong Hesus dahil nais niyang mabuti nilang madinig ang kanyang sasabihin. Mahirap makapakinig ng Salita ng Diyos ang isang taong magulo ang puso. Samantala, ang payapang puso naman ay madaling pasukin at daluyan ng Salita ng Diyos.

 

Maya-maya pa, nagsalita ang Panginoong Hesus sa kanila tungkol sa Espiritu Santo, at narito ang kahanga-hangang pangako: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.” Jn 14: 27

 

Malapit nang lumisan si Hesus subalit pangako niya ang biyaya ng Espiritu Santo, at iiwan niya sa kanila ang lubhang mahalagang regalo ng kapayapaan.

 

Ang kapayapaan na pangako ni Hesus ay hindi tulad ng sa mundong ito. Hindi ito ang kapanatagan kapag walang nagaganap na aberya o trobol, o ang katiwasayan kapag nalutas na ang mga suliranin at nakamit na ang mga hangarin, na kung tutuusin, ay mahirap pa din namang masumpungan. Saan nga ba meron nito?

 

Ang pangakong kapayapaan ng Panginoong Hesus ay mararanasan maging sa mahirap at walang katiyakang situwasyon ng buhay dahil ang pinagmumulan nito at ang saligan nito ay ang Diyos mismo: omsim!!!

 

Sa dulo ng kanyang pananalita, sa dulo ng ch 16, ang mga huling kataga ng Panginoong Hesus ay tungkol muli sa kapayapaan: “Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!” v. 33

 

Tila ang nag-iisa at sukdulang pakay ng mga salita ng Panginoong Hesus sa kanyang mga alagad ay upang gawin silang matatag sa kapayapaan.

 

Kailangan nilang makatagpo ng kapayapaan sa katiyakan ng tagumpay ni Kristo laban sa lahat ng mga masasamang puwersa na nanggugulo sa mundo: “tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!” v. 33

 

Gayundin, ipinakikita sa atin ni Hesus ang sikreto ng tunay na kapayapaan, ang tunay na bukal o pinagmumulan nito – ang kapayapaan ay kapayapaan ni Hesus!

 

Ganyan ang pakikipagkaisa kay Hesus: pakikinig sa kanyang Salita, pananampalayata, tiwala, panalangin at pagmamahal ang mag-aakay sa atin na salubungin at yakapin ang kapayapaan ng Diyos sa ating puso.

 

BIYAYANG HIHILINGIN NATIN:

 

Hilingin natin ngayon ang biyayang ito:

 

Ngayong naunaawaan na natin na ang tunay na kapayapaan ay nag-uugat kay Hesus, hilingin natin ang biyaya na lalong maging malapit, maging kaugnay, magkaroon ng buhay na relasyon sa kanya; huwag magsayang ng oras ng kaiisip ng alalahanin at mga pagkabagabag; sa halip, isipin si Hesus, tanggapin ang kanyang Salita, at magdasal sa kanya.

 

MULA SA MGA SAKSI:

 

Sabi ni San Agustin, pantas ng simbahan: Nilikha mo kami, Panginoon, para sa iyo, at ang mga puso namin ay walang pahinga kung hindi sa piling mo.

 

Padre Marie-Dominique Molinie, OP: ang kapayapaan ay ang biyaya ng lahat ng biyaya, ang kaloob ng Diyos, ang unos na daig pa ang anumang bagyo.

 

 

ANG SALITA

 

Baunin natin sa mga darating na araw ang mga salita na binanggit kanina mula sa ebanghelyo ni San Juan:

 

“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.” Jn 14: 27

 

 

MANTRA SA ARAW NA ITO:

 

Sa maghapong ito, ulit-ulitin natin ang mga salitang: “Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.”

 

(Salamat kay Fr. Jacques Philippe sa inspirasyon)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS